Ligtas na komunidad at maayos na kalusugan ang pinaka-importante sa panahon ngayon!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 30, 2020
Dalawang araw nalang, 2021 na! Ilang araw na ang lumipas mula ng Pasko pero ang diwa ng pag-asa, pagbibigayan at bayanihan ay andito pa rin.
Ang bilis talaga ng mga pangyayari ngayong taon. Sigurado tayong maaalala natin ang 2020 bilang isa sa mga pinakamahirap na taon para sa ating bansa at sa buong mundo. Ngunit, bilang Pilipino, hindi tayo susuko sa anumang suliranin na ating haharapin.
Sana ay naging maligaya at ligtas ang inyong Kapaskuhan. Alam nating lahat tayo ay nais makasama at makapiling ang ating mga minamahal sa buhay pero para sa kabutihan ng lahat, magsakripisyo muna tayo upang labanan ang COVID-19.
Simula nitong linggo, nagbigay din tayo ng tulong sa mga mahihirap sa Camiguin at mga sinalanta ng bagyo sa Prosperidad at Rosario sa Agusan del Sur, at Cabadbaran, Agusan del Norte. Personal nating binisita ang Bunawan, Agusan del Sur para makasama ang ating mga kababayang tinutulungan nating makabangon mula sa kalamidad. Nag-abot din tayong tulong sa ating mga kababayang tour guides, boatmen, at displaced workers sa Moalboal, Cebu.
Palaging handa ang pamahalaan para tulungan tayo. Paalala rin sa ating mga kababayan na sumunod palagi sa mga health protocols para labanan ang pagkalat ng COVID-19.
Ipinagpatuloy din ng inyong lingkod ang personal na tradisyon na bisitahin ang mga nagbabantay ng mga pasyente sa Balay Pahulayan sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City sa pagsapit ng Pasko ng gabi ng Disyembre 24. Noong Disyembre 29 ay bumalik kami sa SPMC para mag-abot naman ng tulong sa mga pasyente roon.
Sa usaping pangkalusugan, patuloy din ang serbisyong ibinibigay ng Malasakit Centers. Sinimulan natin ito noong 2018 at ngayon ay mayroong 96 Malasakit Centers sa iba’t ibang parte ng bansa. At dahil naisabatas na natin ito, marami pang lugar ang magkakaroon ng sarili nilang Malasakit Center sa susunod na mga buwan.
Base sa report, mahigit isang milyon na ang natutulungang mga pasyente ng Malasakit Centers. Para ito sa bawat Pilipino dahil naniniwala tayong hindi dapat pahirapan ang pagkuha ng serbisyo mula sa gobyerno.
Importante ang buhay ng bawat Pilipino at tungkulin ng gobyerno na proteksiyunan ang kapakanan at kalusugan ninyo.
Ngayon, alam na nating may bagong variant na ang COVID-19 na natuklasan sa ibang parte ng mundo. Kaya napagpasyahan ni Pangulong Duterte na bawiin muna ang desisyon na ipagpatuloy na ang face-to-face classes habang wala pang bakuna para hindi mailagay sa alanganin ang buhay ng ating mga estudyante at mga guro.
Nagpapasalamat din tayo sa Pangulo sa pagpirma ng 2021 national budget. Nais din nating purihin ang mga kapwa natin mambabatas sa agarang aksiyon upang maipasa ang budget para sa susunod na taon.
Napapanahon ang pag-apruba ng budget na ito habang patuloy nating nilalabanan ang pandemya at lahat ng mga epekto nito sa mamamayan at ekonomiya. Maipagpapatuloy din natin ang mga programa at proyekto ng Administrasyong Duterte upang tuluyang maisakatuparan ang pangakong maginhawang buhay para sa lahat ng mga Pilipino.
Ang panawagan naman natin sa mga ahensiyang magpapatupad nito, siguraduhin nating nagagamit ng maayos ang pondo ng taumbayan — dapat walang masayang ni piso at dapat maramdaman ng mga pinaka-nangangailangan ang serbisyo mula sa gobyerno.
Mga kababayan, ipagpatuloy natin ang bayanihan dahil hindi pa tapos ang laban. Palagi tayong handa para umaksiyon at tumulong, ngunit kailangan din natin ang inyong pagkakaisa at kooperasyon.
Buksan lalo natin ang ating mga puso para sa ating kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Unahin natin sila pagdating sa serbisyo publiko tulad ng pagbigay ng libreng bakuna kapag nasigurong ligtas at epektibo na ito para makabalik na sila sa normal na pamumuhay.
Manatili tayong matatag, mga kababayan! Ang ligtas na komunidad at maayos na kalusugan ang pinaka-importanteng maipapamahagi natin sa ating mga mahal sa buhay pagsapit ng bagong taon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments