Lifeguard Act, isinusulong upang maiwasan ang pagkalunod sa public pool
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 9, 2026

Tuwing panahon ng tag-init, nakaugalian na ng ating mga pamilya ang mamasyal o mag-outing. Kabilang sa mga paboritong aktibidad ng ating mga kababayan ang dumayo sa mga pampublikong swimming pool o mga tabing-dagat upang magpalamig sa gitna ng mainit na panahon.
Ngunit sa panahon din ng tag-init tayo nakakasaksi ng ilang mga trahedyang maaari sana nating maiwasan – ang mga kaso ng pagkalunod. Kamakailan ay naglabas ng ulat ang Philippine National Police (PNP) ng bilang ng mga nalunod nating mga kababayan nitong mga nakaraang linggo.
Noong Marso 29 hanggang Abril 5, may naitalang 59 na mga insidente ng pagkalunod. Mas mataas ito ng 136% sa 25 na naitala noong Marso 21 hanggang Marso 28, ang linggo bago ang Semana Santa.
Nabalitaan din natin na noong nakaraang Sabado de Gloria, tatlong mga kabataan ang naiulat na binawian ng buhay matapos malunod. Dalawa sa kanila ay nalunod sa Morong, Bataan at ang isa ay limang taong gulang na batang babae na taga Negros Occidental.
Nakakalungkot at nakakabahala na patuloy na nangyayari ang mga ito, lalo na’t maaari tayong magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang Lifeguard Act (Senate Bill No. 1517) upang mapigilan natin ang mga trahedyang ito na maaari nating maiwasan.
Dati na nating inihain ang panukalang batas na ito at patuloy natin itong isinusulong sa ilalim ng 20th Congress. Ayon sa panukalang batas, imamandato ang mga pampublikong swimming pool na magkaroon ng isang certified lifeguard sa kanilang mga operasyon. Kakailanganin namang magdagdag ng isang lifeguard sa bawat karagdagang 250 square meters ng swimming pool.
Kailangang may sertipikasyon ang lifeguard mula sa isang nationally recognized organization na may accreditation mula sa Department of Health. Kailangan ding meron silang Basic Life Support Certification.
Magiging tungkulin naman ng mga local government unit na tiyaking sumusunod ang mga pool operators sa pagtatalaga ng mga kwalipikadong lifeguards. Maaari ring magsagawa ang mga local health officer ng mga inspeksyon ng public swimming pools upang tiyaking ligtas ang mga ito.
Ngunit habang hindi pa naisasabatas ang panukala nating ito, patuloy sana tayong mag-ingat kasama ang ating mga pamilya tuwing tayo ay pupunta sa mga public swimming pool o mga resort. Huwag nating hayaang mauwi sa trahedya ang masasaya sanang okasyon kasama ang ating mga pamilya.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments