License to Operate ng ahensya ng mga security guards
- BULGAR
- Mar 25, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 25, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay nakipag-usap sa isang ahensya upang sila ay magtalaga ng mga security guards sa aking pagmamay-ari na gusali. Upang makasigurado, hinanapan ko sila ng dokumento na makapagpapatunay na may lisensya sila upang magpatakbo ng isang security agency.
Sinabihan ako na hindi nila maipapakita ang kanilang lisensya, ngunit ang gamit nilang lisensya ay ipinagkaloob sa kanila noong Marso ng taong 2017. Ang nasabing ahensya ba ay may valid pa na lisensya? Salamat sa inyo. –Chubz
Dear Chubz,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga Seksyong 6 at 7 ng Republic Act No. 11917 na mas kilala bilang “The Private Security Services Industry Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 6. License to Operate. — A license to operate issued by the Chief PNP is required to operate and manage a PSA [Private Security Agency] and PSTA [Private Security Training Agency]: Provided, That an LTO for PSTA shall be granted only to a training school, institute, academy, or educational institution which offers courses prescribed and approved by the PNP or training programs accredited by TESDA.
Section 7. Period of Validity of LTO. — The LTO issued to PSA and PSTA shall be valid for a maximum period of five (5) years, subject to renewal: Provided, That the Chief PNP may set a shorter validity period for LTO with applicable fair and reasonable fees adjusted accordingly.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, nangangailangang may lisensya upang makapagpatakbo ng ahensya ng mga security guards at ang nasabing lisensya ay ipinagkakaloob ng Chief ng Philippine National Police. Gayundin, ang nasabing lisensya ng pagpapatakbo ng ahensya ng mga security guards ay valid lamang sa loob ng limang taon, na maaaring i-renew.
Sa nasabi mong sitwasyon, lagpas na sa limang taon ang gamit na lisensya ng ahensya at kung hindi ito na-renew sa loob ng itinakdang panahon, ang nasabing lisensya ay mawawalan ng bisa.
Nais din naming ipaalam na anumang paglabag sa kahit anong probisyon ng nasabing batas ay may karampatang parusa na pagbabayad ng multa o pagkakakulong, alinsunod sa Seksyon 16 ng Republic Act No. 11917.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments