top of page
Search
  • BULGAR

LEANDRO, FEELING NAKARMA SA GINAWA SA TRANSGENDER NA MAY-ARI NG CLUB

ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 5, 2024


Showbiz Photo
File photo: Leandro Baldemor

ON the lighter side naman tayo, mga Ka-BULGAR. 


First time naming na-meet at nakapanayam ang dating Seiko sexy actor na si Leandro Baldemor (kasabayan noon nina Rosanna Roces at Abby Viduya) sa kanyang mismong balaysung sa Paete, Laguna.


Yeeesss, bumiyahe si Ateng Janiz kasama ang aking mga co-editors sa Society of Phil. Entertainment Editors (SPEEd) sa Paete, Laguna para dayuhin si Leandro Baldemor na napili ng aming grupo para gumawa ng aming trophy sa nalalapit na EDDYs Awards sa July 7. 


Impressed kami sa laki ng lupain ni Leandro, ha? Hindi naman super mansiyon ang kanilang balaysung ng misis na si Venus, pero four hectares pala ang lupang ipinamana kay Leandro ng kanyang ama para maging panimula niya noon sa kanyang bubuoing pamilya. Bongga!


Kasama nga sa 4-hectare land na 'yun ang kanyang bahay, malawak na garden na kino-convert niya na ngayon para maging events place, swimming pool, studio para sa kanyang mga obrang sculptures at bukid na tinataniman nila ng palay.


Inilibot kami ni Leandro at dinala sa kanyang studio kung saan ipinakita niya sa amin ang mga samples ng mga una niyang nililok na mostly ay religious items.


Tinanong namin siya kung for sale 'yun pero aniya, kahit gaano kataas na presyo, 'di niya ibebenta ang mga 'yun dahil 'yun ang mga unang masterpieces niya, na in fairness, ang gaganda at sobrang impressive na kaya pala niyang gumawa ng ganu'n.


Kuwento sa amin ni Leandro, nasa pamilya naman nila ang pag-uukit at kinalakihan na niya ang ganitong gawain, although nu'ng bata pa siya, wala sa isip niya na ito rin ang babagsakan niya.


Nag-aaral kasi siya noon ng Nursing at nasa 3rd year college nang ma-discover siya sa isang community service nila ng kanyang manager na si Bobby Yalung. Inalok siyang mag-artista at nu'ng nakita siya ni Robbie Tan ng Seiko Films, kinuha na agad siya at ikinontrata na ikinagulat pa at ayaw paniwalaan ng kanyang mga magulang nu'ng una.


Pero to cut the story short, ayun na nga, napasok na siya ng showbiz at personal na pinili ni Abby Viduya para maging leading man nito sa pelikulang Sariwa.


Nakasama naman niya si Rosanna Roces sa Patikim ng Pinya at 'di makalimutan ni Leandro ang 'kapilyahan' ni Osang nang may gawin sa kanya sa shooting, kaya tawanan na lang kami nang tawanan habang ikinukuwento niya ito.


Pero dumating sa point na medyo humina na ang offers sa showbiz kay Leandro kaya nag-try naman siyang maging hosto sa Japan. 


May nakilala raw siya ru'n na transgender na may-ari ng club na ibinigay ang lahat-lahat sa kanya tulad ng Rolex watch, gold necklace, damit at kung anu-ano pa at aminado siyang tinanggap naman niya ang lahat ng 'yun.


Kaya lang, feeling na-karma nga raw siya at nawala rin ang lahat ng ibinigay sa kanya ng transgender dahil aminado siyang nag-take advantage siya sa kabaitan nito pero hindi naman daw niya naibigay ang 'hinihingi' ng rich gay.


Kaya gusto raw sana niyang mag-sorry dito at hinahanap niya kaso nawalan na raw sila ng contact.


Fast forward uli, bumalik siya ng 'Pinas at dahil 'di na nga siya makabalik sa showbiz, kung anu-anong negosyo na lang ang pinasok niya hanggang sa dumating ang time na may nakilala siyang mga rich clients na nagtiwala sa kanya para magpaukit ng doll.


Malaking pera ang ibinigay sa kanyang downpayment at 'yun ang naging pang-umpisa niya sa kanyang negosyo.


Pero hindi naman daw laging malakas ang ganitong negosyo kaya one time, nag-pray siya kay Lord at agad namang dininig ang kanyang panalangin. 


May mga nakilala siyang pari at nagtiwala sa kanya na magpagawa ng mga images sa simbahan. 


May time pa nga raw na lahat ng imahen sa prusisyon ay ipinaukit sa kanya kasama ang mga karong sinasakyan kaya tuwang-tuwa siya at du'n niya talaga na-appreciate si Lord. 


Sa ngayon, may mga tawid-dagat na ring kliyente si Leandro at ipinagmalaki rin niya sa amin na bukod sa mga lamp post sa mga tulay sa Paete na kanyang ginawa, marami na rin siyang nagawang rebulto, imahen, mga logo sa mga government offices at iba't ibang designs sa mga simbahan.


Pero kahit bread and butter na ni Leandro ang ganitong negosyo, hindi pa rin daw niya maialis sa sistema niya ang pag-arte. Kaya kapag may mga offers na maganda, tinatanggap niya lalo't aminado naman siyang mas malaki ang kita sa showbiz at fulfilling lalo na kapag marami pa rin ang nakakakilala sa kanya bilang artista.


Well, para sa aming mas mahaba pang panayam kay Leandro Baldemor, panoorin n'yo na lang sa BULGAR TV sa YouTube channel ng BULGAR, okidok?!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page