top of page

Lawyer si SP Chiz, pero ‘di alam na bawal tumanggap ng campaign fund sa kontraktor?!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


2 KASONG NO BAIL, PLUNDER AT ECONOMIC SABOTAGE ANG KAKAHARAPIN NG MAG-ASAWANG DISCAYA KAPAG NAGKATAON -- Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee noong Sept. 1, 2025 patungkol sa flood control projects scam ay tinanong ni Sen. Jinggoy Estrada ang kontraktor na si Sarah Discaya kung kanino niya nabili ang kanyang mga luxury car, at nang sabihin ng kontratista na ang Frebel Enterprises and Auto Art ang kanyang supplier sa kanilang car collections ay diretsahang sinabi ni Sen. Tito Sotto na pulos smuggled daw ang mga mamahaling sasakyan ng pamilya Discaya, dahil ayon umano sa report ng Bureau of Customs itong Frebel ay makailang ulit nang nasangkot sa pagpupuslit ng mga imported luxury car sa bansa.


Kapag nagkataon ay dalawang kasong habambuhay na pagkabilanggo ang sasapitin ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, ang isa ay ang kasong plunder na no bail, swak sila riyan dahil halos lahat ng flood control projects at iba pang proyektong kanilang nakuha sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ay ‘winalanghiya’ nila, bukod sa substandard, ang iba ay iniwang nakatiwangwang; at ang pangalawa ay economic sabotage (smuggling) na no bail din, period!


XXX


SENADOR O KONGRESISTANG NAGSINGIT SA BICAM COMMITTEE NG ‘GHOST’ PROJECT SA BULACAN, DAPAT MAHUBARAN NG MASKARA -- Ibinulgar ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, chairperson ng House Public Accounts Committee na ang natuklasan ni DPWH Sec. Vince Dizon na P96 million ‘ghost’ project ng Wawao Builders Corporation sa Plaridel, Bulacan ay isiningit sa bicameral budget conference committee.


Sa bubuuin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na independent commission na mag-iimbestiga sa mga flood control project scam, dapat ipatawag at imbestigahan ang lahat ng mga senador at kongresistang miyembro ng bicam committee para mahubaran ng maskara kung sinong sen. at cong. ang nagsingit ng P96M flood control project sa Plaridel, Bulacan na natuklasan na ‘ghost’ project pala, boom!


XXX


KUNG GINAWA NG COA ANG KANILANG MANDATO ‘DI SANA NAGING TALAMAK ANG CORRUPTION SA DPWH, MAAYOS SANA ANG PROYEKTO NG MGA KONTRAKTOR, KAYA DAPAT PAGBITIWIN NA RIN NI PBBM SI COA CHAIRMAN CORDOBA -- Kung ginawa lang ng Commission on Audit (COA) ang mandato nila, hindi magiging talamak ang corruption sa DPWH at walang kontraktor na mangangahas gumawa ng mga substandard at ‘ghost’ projects.


Sa natuklasan ngayon na sangkatutak na substandard, mga proyektong iniwang nakatengga at may mga ‘ghost’ project pa, lumalabas na sangkaterba rin ang mga ‘kuraktor’ na auditors sa COA, at lumalabas na kasabwat sila ng mga ‘kurakot’ sa DPWH.

Sibak na, wala na sa DPWH si Engr. Manuel pinag-resign na siya ni PBBM, ang pumalit sa kanya ay si economist Vince Dizon na agad pinag-courtesy resignation lahat ng opisyal ng ahensya.


Ang nais nating ipunto rito, dapat pagbitiwin na rin ni PBBM sa puwesto si COA Chairman Gamaliel Cordoba at palitan ng taong mag-uutos din sa mga opisyal ng COA na magsumite ng courtesy resignation, period!


XXX


ABOGADO SI SP ESCUDERO, HINDI NIYA ALAM BAWAL TUMANGGAP NG CAMPAIGN FUND SA KONTRAKTOR? -- Matapos aminin sa Kamara ng kontraktor ng flood control project na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Corporation na nagbigay siya ng P30M campaign fund sa kaibigan niyang si Senate Pres. Chiz Escudero noong 2022 election, ang tugon dito ng Senate president ay hindi naman daw niya ito tinulungang makakuha ng mga proyekto sa gobyerno.


Ang isyu ay tungkol sa pagtanggap niya ng P30M na campaign fund sa kontraktor at wala namang nagtatanong kay SP Escudero kung tinulungan niyang makakuha ng kontrata si Lubiano sa gobyerno.


Ang gusto lang malaman ng publiko, SP Escudero ay bilang isa kang abogado, hindi mo ba alam na labag sa Omnibus Election Code ang pagtanggap ng kandidato sa kontraktor na may kontrata sa gobyerno? Sagot!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page