Last 16: Eala mahaharap sa Olympic gold medalist na si Bencic
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 9, 2026

Photo: IG Alex Eala vs Bencic - WTA
Mataray, maigsi ang pasensiya at ayaw ng maingay na audience ng isang Olympic gold medalist ang susubok sa katatagan ni Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala, walang iba kundi si World No. 14 Belinda Bencic sa kanilang round of 16 bakbakan ngayong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas) sa inaasahang panibagong sold-out crowd na 12,500 seating capacity ng Sobeys Stadium sa Toronto, Canada.
Target ng 21-anyos na Pinay lefty ang kanyang ikawalong sunod na panalo matapos makamit ang nakakapagod na panalo laban kay American Caty McNally na nagtapos sa 6-3, 5-7, 6-4 sa third round, kasunod ng pambihirang kampeonato na nakuha sa WTA 500 Mubadala Citi DC Open sa Washington, D.C. sa Estados Unidos.
Ito ang ikalawang pagkakataon na makakaharap si Eala ng isang gold medalist sa Olympics matapos pataubin si 2024 Paris Olympics champion Zheng Qinwen sa DC Open, habang hanap ng 2021 Tokyo Olympics titlist at doubles silver medalist na si Bencic na muling pataasin ang kanyang puwesto sa world rankings kasunod ng career-high fourth place.
Gayunman, bukod sa katatagan ni Eala, na nagtamo ng minor injury sa kanyang bukong-bukong laban kay McNally, masusubok naman ang pasensya at pokus sa laro ni Bencic sa maingay na Filipino crowd at supporters ni Eala. Kilala ang Swiss national team player na hindi gaanong panatiko sa maingay na crowd, kung saan minsan nang nagpahayag ito ng pagkadismaya sa ingay ng mga manonood habang naghahandang mag-serve, kaya naman isa pang kawili-wiling kapaligiran ang inaabangan sa paghaharap na ito.
Magugunitang nakipagtalo ito sa chair umpire sa laro kontra Coco Gauff ng US dahil sa patuloy na pag-iingay ng mga fans habang siya ay nagse-serve sa China Open.
“When the point is over, it's no problem, I don't care. But when I'm going to the line ready to serve, they don't need to cheer,” wika ni Bencic sa round of 16 game kontra Gauff. “If I’m going to the line, ready to serve, they don’t need to cheer. I’m too old for this mind games.”





Comments