PFA Nat'l: Morales, ginto sa Cadet Women's Foil event

by Gerard Arce @Sports News | September 24, 2026

Photo: Si Christine May Morales (ika-2 mula kanan) nang masungkit ang gintong medalya sa Cadet Women’s Foil event ng 3rd Leg Cadet and Junior Championships sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila. Nagtapos ang Philippine delegation sa ikatlong puwesto sa SEAFF championships matapos umani ng 5 golds, 7 silvers at 13 bronze medals para sa kabuuang 25 medalya. (Gen Villota)
Patuloy na pinatutunayan ni Christine May Morales na isa siya sa mga pinakamalaking batang pag-asa ng Philippine fencing. Muling ipinamalas ni Morales ang kanyang husay matapos niyang masungkit ang gintong medalya sa Cadet Women’s Foil event ng 3rd Leg Cadet and Junior Championships sa makasaysayang Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.
Dinomina ng Grade 8 student-athlete at scholar ang finals matapos talunin ang mas matandang teammate sa University of the East na si 17-anyos na Willa Liana Galvez, 15-4, upang mapanatili ang puwesto bilang nangungunang cadet fencer sa Under-14 division.
Hindi naging madali ang kanyang pagsabak sa finals matapos harapin sa semifinals ang kapwa national team member at UE teammate na si Yuna Samuelle Canlas. Nanaig si Morales sa dikit na laban, 15-13, upang makapasok sa championship round. Matapos ang first-round bye, tinalo muna ni Morales si Yuki Togawa ng HCFC, 15-7, bago niya nilampasan si Regina Zenais Pascual ng Team RF, 15-10, sa preliminary rounds. Ang panibagong tagumpay ay dagdag sa kahanga-hangang international campaign ni Morales.
Noong nakaraang buwan, nagharap din sina Morales at Canlas sa isang all-Filipino final ng Cadet Women’s Foil sa Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Junior and Cadet Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nagtapos ang Philippine delegation sa ikatlong puwesto sa SEAFF championships matapos umani ng limang gold, pitong silver at 13 bronze medals para sa kabuuang 25 medalya.
“I’m very happy and excited that our team swept the podium. It was a very tough match against Yuna (Canlas) and Willa (Galvez),” ani Morales. Gayunman, hindi pa kuntento si Morales sa kanyang mga nakamit.
Sinabi ng 5-foot-6 na batang fencer na handa siyang magsakripisyo at magsanay nang higit pa upang mapahusay ang kanyang kakayahan at matupad ang pangarap na katawanin ang Pilipinas sa mga pangunahing international competitions.





Comments