top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Lantarang vape smuggling, aksyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 21, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 21, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa kabila ng mahigpit na regulasyon sa vape at e-cigarettes sa bansa, hindi pa rin matapus-tapos ang pagpasok ng mga hindi rehistradong produkto at ibinebenta sa merkado.Kamakailan lang, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 112,750 vape products na tinatayang nagkakahalaga ng P95.7 milyon sa Port of Manila.


Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, naharang ang mga shipment noong Marso 18 matapos makatanggap ng impormasyon ang Enforcement Group ng ahensya.


Nang inspeksyunin nila ang mga container, tumambad ang 233 kahon ng flavored vape products na hindi rehistrado at aabot sa halagang P30.2 milyon kasama ang buwis.


Sa inspeksyon naman ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), may natuklasan pang 66,150 piraso ng vape na natagpuang nakatago sa loob ng mga kahon ng insulated cups, na nagkakahalaga ng milyun-milyon.


Malinaw na matindi pa rin ang operasyon ng vape smuggling sa ating bansa, sa kabila ng pagpapatupad ng RA 11900 o Vaporize Nicotine and Non-Nicotine Products. Kung ganito kalaki ang mga nasasabat na shipment, paano pa kaya ang mga hindi nahuhuli? Posibleng bilyun-bilyong piso ang nawawalang kita rito ng ating gobyerno, habang patuloy na nagkakalat sa merkado ang mga hindi rehistradong vape products.


Ang vape smuggling ay hindi lang usapin ng ekonomiya kundi pati na rin ng kalusugan at kaligtasan ng publiko, lalo na ng kabataang madaling mahikayat na gumamit ng ganitong produkto. 


Kaya panahon na para paigtingin hindi lang ang pagsabat sa shipment kundi pati na rin ang paghuli sa mga nasa likod ng smuggling.


Hiling din natin sa kinauukulan na bukod sa pagresolba sa naturang kaso ay tutukan talaga nila nang husto ang pagtugis sa mga smuggler.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page