Lalaki at babaeng may utang, wanted... Chinese, pinatay sa sakal sa hotel

ni Gina Plenago @News | September 17, 2026

Photo: Circulated / Pasay CPS
Natagpuang patay ng kanyang Pinay na asawa ang isang Chinese national sa loob ng tinutuluyang hotel sa Roxas Boulevard, Pasay City, habang pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang suspek na nakita sa CCTV na huling kasama ng biktima.
Ayon kay Pasay Police chief P/Col. Joselito De Sesto, pumasok ang isang babae kasama ang biktima sa silid alas-2 ng madaling-araw noong Setyembre 8. Makalipas ang tatlong oras, nakita naman sa CCTV ang pagdating ng isang lalaki bago parehong lumabas ang dalawa alas-8 ng umaga at sumakay ng taxi.
Nadiskubre ang bangkay matapos magtungo sa hotel ang asawa ng biktima nang hindi na ito umuwi at hindi na sumasagot sa mga tawag.
Hinala ng pulisya na may kaugnayan ang krimen sa umano’y utang ng mga suspek sa biktima na nagpapautang kapalit ng interes. Posibleng nagkaroon umano ng pagtatalo na humantong sa pagpatay.
Batay sa awtopsiya, asphyxia due to strangulation o pagkakasakal ang ikinamatay ng dayuhan.
Sa backtracking ng pulisya sa CCTV, nakita umanong nagtungo ang mga suspek sa Ninoy Aquino International Airport at sumakay ng magkahiwalay na flight patungo sa hindi pa natutukoy na destinasyon. Inihahanda na ang pag-uwi ng labi ng biktima sa China.





Comments