top of page
Search
  • BULGAR

Lakers, rumeresbak pa, Suns o Jazz sa West?

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 17, 2021




Pumapalag pa ang defending champion Los Angeles Lakers at tinalo ang Indiana Pacers, 122-115, kahapon sa Bankers Life FieldHouse. Dahil dito, nasa magandang posisyon ang mga kampeon na makaiwas sa delikadong State Farm Play-In Tournament ngayong huling araw ng regular season subalit hindi nila hawak ang kapalaran sa pagbisita sa New Orleans Pelicans.

Bumalik sa aksyon galing sa pilay si LeBron James at ibinuhos ang 24 puntos upang tulungan si Anthony Davis na nagtala ng double-double na 28 puntos habang may dagdag 14 puntos si Dennis Schroder na galing sa quarantine. Kailangang manalo ang Lakers (41-30) sa Pelicans (31-40) at magdasal na matalo ang Portland Trail Blazers (41-30) sa bisitang Denver Nuggets (47-24) upang makapasok agad sa playoffs bilang pang-anim sa Western Conference.

Ipinakita ng Phoenix Suns na seryoso sila na agawin ang liderato ng West at buong NBA sa Utah Jazz at walang awang binigo ang San Antonio Spurs, 140-103, sa likod ng 27 puntos ni Devin Booker. Magiging numero uno ang Suns (50-21) kung uulit sila sa Spurs (33-38) ngayong Lunes at matatalo ang Jazz (51-20) sa Sacramento Kings (31-40).

Lumapit din ang Brooklyn Nets sa ikalawang puwesto ng Eastern Conference matapos durugin ang Chicago Bulls, 105-91, kasabay ng pagbuo muli ng “Big Three” na sina Kevin Durant, Kyrie Irving at James Harden. Sari-saring pilay, sakit at personal na dahilan ang humadlang sa paglaro ng sabay-sabay ng tatlong bituin subalit nakaraos ang Nets (47-24) at kailangan manalo ngayon sa Cleveland Cavaliers (22-49) at matalo ang humahabol na Milwaukee Bucks (46-25) sa Bulls (30-41).

May pag-asa pa rin sa #2 ang Bucks at tinalo ang Miami Heat, 122-108, salamat sa tig-21 puntos nina Khris Middleton at reserbang si Bryn Forbes. Lumagpak ang Heat sa 39-32 subalit may posibilidad na tumabla pa sa New York Knicks at Atlanta Hawks na parehong 40-31.

Ipinakita ng Boston Celtics ang kanilang kahandaan para sa Play-In sa paglampaso ng Minnesota Timberwolves, 124-108. Nanguna sa Boston (36-25) si Jayson Tatum na may 26 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page