top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, makabubuting tumulong sa kampanya para sa bakuna

  • BULGAR
  • May 28, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 28, 2021



Noong kasagsagan ng pandemya noong nakaraang taon ay napakalaki ng ating problema kung paano ireresolba na masawata na ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Ngunit totoo ang kasabihang sa dulo ng dilim ay may liwanag na naghihintay matapos na madiskubre ang mga bakuna na siyang magbibigay ng proteksiyon sa mga tao sa buong mundo upang makabalik na tayo sa dati nating pamumuhay.


Dahil dito ay maraming bansa ang nag-uunahan para makapag-angkat ng bakuna at isa rin ito sa mga dahilan kaya naantala ang pagdating ng mga bakuna sa bansa na ngayon ay nandito na at nagsisimula nang iturok sa ating mga kababayan.


Target ng pamahalaan na maturukan sa lalong madaling panahon ang lahat ng mga Pilipino, ngunit dahil sa dami pa ng mga nag-aalinlangan ay sinisikap na kahit mauna na ang may 58 milyon nating kababayan na mabakunahan upang maabot natin ang herd immunity.


Sa kabila nang pagsisikap ng Department of Health (DOH) at Palasyo mismo na itaas ang kaalaman hinggil sa mabuting dulot ng bakuna laban sa COVID-19 ay napakataas pa rin ng bilang ng mga kababayan nating ayaw magpabakuna base sa pinakahuling survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS).


Ibig sabihin, nahaharap pa talaga tayo sa ilang suliranin upang maantala na makamit natin ang herd immunity sa mas mabilis na panahon kaya tayo bilang halal na opisyal ay patuloy ang ating pagtulong upang mahikayat ang marami na magpaturok ng bakuna.


Tayo sa Senado ay patuloy ang pagsulong upang maipakita sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng bakuna at tayo mismo ay mga halimbawa na ligtas ang itinuturok na bakuna anuman ang brand nito kaya isa ang inyong lingkod sa nabakunahan na.


Naagaw ang ating atensiyon ng isinasagawang kampanya ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar na gamitin ang lahat ng police units sa bansa para mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna na.


Inatasan nitong gamitin ng mga hepe ng pulisya at station commanders ang kanilang social media platforms na tinawag nilang OPLAN Bandillo upang paliwanagan ang mga tao sa kanilang nasasakupan na magpabakuna.


Ibig sabihin, responsabilidad ng mga hepe ng pulisya kung magiging mataas pa rin ang bilang ng mga taong hindi nagpapabakuna sa kani-kanilang nasasakupan, partikular sa mga lalawigan at mga lugar na hindi naman mataas ang kaso ng COVID-19.


Ang OPLAN Bandillo ay community awareness at information dissemination program para labanan din ang mga kriminal at masasamang elemento sa bansa, ngunit ngayon ay pansamantalang nakatutok sa impormasyon nang kahalagahan ng bakuna.


Ito rin ang ginagamit ng PNP upang isa-isang maipaliwanag sa kani-kanilang nasasakupan ang kahalagahan nang pagsunod sa minimum health protocol at masagot din ang ilang katanungan ng ilan pa nating kababayan na medyo naguguluhan.


Inatasan ni Eleazar ang kanyang mga pulis, partikular ang mga beat patrol na magbitbit ng megaphones o speaker system para mag-ikot sa mga liblib na lugar upang maiparating ang kahalagahan ng isinasagawang pagbabakuna sa bansa.


Kaya tayo nabigyang-pansin ang hakbanging ito ng PNP dahil sa nakita nating ang malaking tulong nito sa pamahalaan para mapabilis pa ang isinasagawang pagbabakuna dahil sa dulo nito ay kasunod na ang pagbangon ng ating ekonomiya.


Marami na kasing mga bansa ang nagbalik na sa dati nilang pamumuhay at hindi na nila kailangang magsuot pa ng facemask dahil pinayagan na sila ng kanilang pamahalaan matapos na mabakunahan na laban sa COVID-19.


Kung maabot na natin ang inaasam-aam na herd immunity, tiyak na magbubukasan na ang mga negosyo, mga restaurants at iba pang establisimyento na magdudulot ng napakaraming trabaho sa ating mga kababayan.


Isa pa sa mga dahilan kung bakit nabanggit natin ang hakbanging ito ng PNP, dahil napakarami pa ng ahensiya sa ating pamahalaan na sa panahong ito ay hinihikayat kung mag-iisip din ng paraan kung paano makatutulong sa pamahalaan na maitaas pa ang kamalayan hinggil sa buting dulot ng bakuna.


Kung tutuusin ay hindi sagutin ng PNP ang pagkalinga sa ating kalusugan, ngunit dahil nakita nilang malaki ang puwede nilang maitulong ay agad na nila itong sinimulan at naniniwala tayong malaki ang buting idudulot nito.


Nandiyan ang Bureau of Fire Protection, Philippine Army, Department of Social Welfare Administration at iba pang kahalintulad na ahensiya na puwedeng mag-ambag ng tulong para sa kampanya na maipaliwanag sa kani-kanilang nasasakupan ang kahalagahan ng bakuna.


Mahalaga ang papel ng media, ngunit huwag nating iasa sa kanila ang impormasyon para baguhin ang isip ng mga kababayan nating takot sa bakuna pero hindi takot na mahawa sa COVID-19.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page