top of page

Lactation breaks, bayad ang oras, protektado ng batas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 28, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong katanungan ukol sa sitwasyon ng aking panganay na kapatid. Nanganak siya apat na buwan na ang nakalipas at kamakailan lamang ay bumalik na sa trabaho matapos ang kanyang maternity leave. Siya ay nag-aalala ngayon na kung gagamit siya ng lactation station nang higit sa isang beses sa isang araw, maaaring maapektuhan ang kanyang sahod o kompensadong oras ng trabaho. Mayroon bang limitasyon sa oras o mga patakaran sa ilalim ng ating batas tungkol dito? Maraming salamat sa inyong tugon. Jovan



Dear Jovan,


Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 10028, na kilala rin bilang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009,” pinoprotektahan ang mga babaeng manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas at malusog na mga kondisyon sa trabaho. Kabilang dito ang pagbibigay ng konsiderasyon sa kanilang mga tungkulin bilang ina, gayundin ang pagkakaloob ng mga pasilidad at oportunidad na magpapabuti sa kanilang kapakanan.


Kaugnay nito, ang mga lactation breaks ay itinuturing na bahagi ng oras ng trabaho at, samakatuwid, ay hindi dapat ibawas sa arawang sahod o kompensasyon ng isang manggagawang ina. Minsan man o ilang beses sa isang araw magpahinga ang isang nagpapasusong ina, ang mga panahong ito ay itinuturing pa rin bilang oras ng pagtatrabaho. May legal na obligasyon ang mga employer na suportahan ito, at hindi maaaring parusahan ang isang manggagawang ina dahil sa paggamit ng pahinga upang maglabas ng gatas, sapagkat ito ay isang pangunahing karapatang ipinagkaloob ng batas upang matiyak ang kalusugan at kapakanan ng parehong ina at anak. Ito ay malinaw na nakasaad sa ilalim ng Seksyon 12 ng R.A. No. 10028 na:


Sec. 12. Lactation Periods. – Nursing employees shall be granted break intervals in addition to the regular time-off for meals to breastfeed or express milk. These intervals, which shall include the time it takes an employee to get to and from the workplace lactation station, shall be counted as compensable hours worked. The Department of Labor and Employment (DOLE) may adjust the same: Provided, That such intervals shall not be less than a total of forty (40) minutes for every eight (8)-hour working period.” (Section 7, R.A. No. 10028, amending Section 12, R.A. No. 7600)


Sa sitwasyon ng iyong panganay na kapatid, hindi siya dapat mag-alala kung gagamit siya ng lactation station nang higit sa isang beses sa isang araw sa kanilang lugar ng trabaho, basta’t saklaw ito ng oras na itinakda sa Seksyon 12 ng R.A. No. 10028. Ang mga oras na ginugol sa paggamit ng lactation station ay itinuturing na bayad na oras ng trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page