Labi ni Nenita Gonzales mula China, maiuwi na sana sa ‘Pinas
- BULGAR

- Apr 30
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 30, 2025

Nakadudurog ng damdamin ang isang masaya sanang okasyon nang Lapu-Lapu festival sa Vancouver, Canada kung saan nagtipun-tipon ang ating mga kababayan na nauwi sa trahedya nang araruhin ang lugar ng itim na Audi sports utility vehicle o SUV na minamaneho ng isang lalaki. Ikinasawi ito ng 11 Pilipino, kabilang ang isang limang taong gulang na bata at isang 65 taong gulang na matanda.
Naiulat na diumano'y may diperensiya sa pag-iisip o wala sa katinuan ang nanagasang 30 taong gulang na lalaki na kinasuhan na rin ng murder. Nakaririmarim na pangyayari na kaagad kumitil ng buhay ng mga walang kamalay-malay o wala ni hibla ng hinalang mga biktima.
Marami ang nagpahatid ng pakikiramay na mga lider ng iba't ibang bansa, kaya't lalong inaasahan ng tanan na hindi magpapatumpik-tumpik at ibubuhos ng administrasyong Marcos Jr. ang pagdamay sa mga pamilya ng bawat Pilipinong nasawi.
Gayundin, nananawagan tayo kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na mapauwi na ang bangkay ng ating kababayang senior citizen na si Nenita Platon Gonzales, na binawian ng buhay sa Chengdu City No. 2 People's Hospital sa China noon pang Pebrero 24, mahigit dalawang buwan na ang nakararaan.
Nagtungo sa China si Nenita o kilala bilang “Nita” noong Pebrero 21 kasama ang kanyang mga ka-opisina para sa isa sanang maikling bakasyon. Ngunit noong Pebrero 23, pasado alas-9 ng gabi matapos ang pamamasyal at pagbalik sa tinutuluyang akomodasyon, nakaramdam ng biglang pamamanhid ng katawan si Nita at hindi siya makatayo, kung kaya't isinugod siya ng kanyang mga ka-opisina sa nabanggit na pagamutan sa China kung saan siya sumailalim sa brain surgery. Matapos ang matagumpay na surgery ay pumanaw rin siya noong Pebrero 24.
Sa ikalawang pagkakataon nitong Lunes ay nagtungo ang pamilya ni Nita sa Department of Foreign Affairs (DFA) para humingi ng update. Ang embahada ng China ay kusang nagbibigay ng update sa pamilya ni Nita, bagay na inaasahan nating gagawin rin bilang nararapat ng DFA sapagka’t kababayan natin ang nasawi.
Kailan kaya maiuuwi ang mga labi ni Nenita Platon Gonzales, Mr. Secretary?
Samantala, kung may pinupuna at tinitira man tayo sa espasyong ito, aba'y hindi rin dapat kalimutang tapikin sa balikat ang mga gumagawa ng marapat.
Ang pagtapik na iyan ay nais nating ibigay kay Transportation Secretary Vince Dizon, na nararamdaman nating nagbubuhos ng kanyang buong makakaya para ayusin ang bulok na sistema sa mga kasuluk-sulukan ng kanyang hurisdiksyon. Kaagad siyang umaaksiyon sa hamon, at kung may kailangang sibakin dahil sa kapalpakan ay kanya itong ginagawa ng walang pangingimi. Humahaba na ang listahan ng kanyang mga positibong nagawa, na ating nasusubaybayan. Patunay lamang na kapag gustong pagaanin ang buhay ng ating mga kababayan ay maraming paraan at walang pagdadahilan.
Hindi na rin sana kinailangang maging tug of war ang pagpapatupad ng modernisasyon ng public utility jeepneys o PUJs, sapagkat kung noong una pa man ay hindi na pinayagang maiparehistro at maipamasada ang mga bulok na dyip na kung makapagbuga ng usok ay mala-pusit, ay hindi na darating sa puntong masalimuot at marumi pati ang ating hanging nilalanghap.
Sa pagpapatupad pa lamang ng mga kasalukuyang batas ay marami nang maaasintadong iayos. At ‘wag kayong padaplis lamang. Sibakin ang walang silbi at ang mapagpahirap sa ating mga kababayan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments