Labanan ang Delta Plus para lahat happy sa pasko
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 25, 2021
Unti-unti nang naaaninag ang ningning ng papalapit na kapaskuhan dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 dahil sa tuluy-tuloy at sama-samang pagsisikap ng lahat para wakasan na ang pandemyang ito.
Ngunit hindi pa man din nasasawata ng lubusan ang nakamamatay na Delta variant ay heto naman ang panibagong mutation ng naturang variant na kasalukuyang binabantayan na ng mga eksperto dahil sa mga ulat na nagsisimula na itong makahawa.
Ang bagong lahi ng Delta variant ay higit umanong matindi ang lakas kumpara sa nanalasang Delta variant sa maraming bansa na kasalukuyang tinututukan na ng mga opisyal ng United Kingdom (UK) dahil sa unti-unti nang tumataas ang kaso nito sa kanilang lugar.
Ang Delta variant ang siyang nangingibabaw na kaso sa UK, ngunit sa pinakahuli nilang opisyal na datos ay nasa anim na porsiyento na ang mga nahawa sa bagong Delta na AY.4.2, na mas kilala sa tawag na ‘Delta Plus’.
Nakakaalarma ang panibagong ulat dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naglalabas ng komento ang World Health Organization (WHO) kung kaya itong labanan ng mga bakunang itinurok sa maraming indibidwal sa buong mundo.
Libu-libong klase ng variants ng COVID na umiikot sa buong mundo at palagi silang nagbabago ng mabilisan minu-minuto, kaya hindi na nakakabigla na magkaroon na naman ng bagong variant na mas malakas o mas mahina.
Kung inyong matatandaan, ang Delta variant ay unang natukoy at isinailalim sa variant of concern sa UK din noong Mayo 2021 matapos nitong lampasan ang Alpha variant na unang pumutok hanggang sa ang Delta na mangibabaw sa lahat.
Napakaraming bansa ang dinaanan ng Delta variant kabilang na ang Pilipinas na dapat papahupa na ang kaso ng COVID-19 ngunit nagkaroon tayo ng second wave at muling ibinalik ang iba’t ibang klase ng community quarantine dahil sa pagdagsa na naman ng mga pasyente.
Ngayon dahil sa nasa 52.3 milyon na sa ating mga kababayan ang nabigyan ng paunang bakuna at nasa 24.3 milyon na ang kumpleto na ang bakuna ay unti-unti nang bumabalik sa normal ang ating buhay dahil sa pagluluwag na ng pinaiiral na restriksiyon.
Ang kapansin-pansin nga lamang ay marami sa ating mga kababayan ang tila nakakawala sa koral na dahil pinapayagan na sa ilang mga pagkakataon ay mabilis naman nakalimot at hindi na alintana na posible pa rin silang mahawa.
Huwag sana tayong masyadong matuwa sa pagluluwag na ibinibigay ng pamahalaan dahil hindi pa naman tuluyang nawawala ang virus, nand’yan pa rin ang Delta variant na kahit bakunado na ay may posibilidad pa ring mahawa.
Alalahanin nating hindi pa lahat natuturukan ng bakuna, araw-araw pa ring may namamatay sa COVID-19 kahit ramdam na ang pagbaba ng mga kaso ng hawaan ay hindi tayo basta puwedeng magpakampante.
Lalo pa’t may banta na naman ng panibagong variant na Delta Plus na kahit wala pang naiuulat na kaso sa ating bansa ay kailangang isama na sistema ng ating pamumuhay ang tamang pag-iingat na nasimulan na naman nating gawin.
Wala namang pagbabago sa pinaiiral na health protocol dahil ang regular na paghuhugas ng mga kamay pa rin ang pinakaepektibo, kabilang ang pagsusuot ng facemask at face shield at higit sa lahat ay ang pagsunod sa physical distancing na madalas nakakalimutan.
Itong kasalukuyan nating sitwasyon ay napanood na natin, nangyari na ito bago tayo muling nasadlak sa second wave ng COVID-19 dahil bago pa man nakapasok ang Delta variant sa ating bansa ay ganitung-ganito na kaugong ang balita tungkol sa Delta variant.
Pero tila hindi gaanong napagtuunan ng pansin hanggang sa tuluyan nang nakatawid ang Delta variant sa bansa na dapat papatapos na tayo sa pagsugpo rito, ngunit muli tayong nasadlak sa mas malala pang sitwasyon.
Kaya medyo kinakalampag natin ang atensiyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nakatutok dito na sana ay huwag tayong magbigay ng kumpiyansa baka makapasok na naman ang Delta Plus.
Baka magkaroon ng maling pakahulugan ang IATF na alam naman natin ang ginagawang pagsisikap, ang sa atin lang ay baka tamaan na naman tayo ng ligaw na suntok o malusutan tayo ng Delta Plus na maaaring magbalik na naman sa atin sa grabeng sitwasyon.
Medyo papataas na ang moral ng ating mga kababayan dahil sa unti-unting pagbabalik sa normal ng ating sitwasyon maliban na lamang sa mangilan-ngilang lugar na medyo may kataasan pa ang kaso ng COVID-19.
Pero ngayon ay dagsa na sa mga pamilihan ang marami sa ating mga kababayan dahil umaasang magiging makulay na ang darating na Pasko ngunit kung makakalusot na naman ang Delta Plus na huwag naman sana ay tiyak na mauunsiyame ang kaligayahang nararamdaman ng lahat.
Kaya ituloy lang ang pag-iingat at pagpapaturok ng bakuna dahil kung kumpleto sa bakuna may AGIMAT ka. Ang AGIMAT ang magbibigay sa iyo ng ligtas at magandang bukas!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments