Laban ni de Lima, tuloy pa rin sa kabila ng paglaya
- BULGAR
- Jun 29, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 29, 2024

Noong nasa kulungan pa si dating Senadora Leila De Lima, madalas naming pag-usapan ang araw ng kanyang paglaya.
Bagama’t hindi namin tiyak kung kailan mangyayari ito, ang higit na mahalaga kaysa kalayaan ay ang katotohanan na magbibigay daan dito.
“Tiyak kong lalaya ako isang araw dahil walang basehan ang lahat ng kasong isinampa nila sa akin. Anuman ang gawin nila sa katotohanan, hinding-hindi nila ito maitatago, mapapalitan o mababaluktot. Darating at darating ang araw na lalabas ang katotohanan at papalayain ako nito ako.” Ito ang walang sawang lumalabas sa bibig ng mabuting senadora sa loob ng halos pitong taong pagkakakulong mula Pebrero 24, 2017 hanggang Nobyembre 13, 2023. Anim na taon at siyam na buwan na pagtitiis at paghihintay sa araw ng paglaya, at naroroon tayo mula simula hanggang katapusan ng kanyang pagkakakulong. Nagmimisa tayo roon linggu-linggo mula Pebrero 2017 hanggang Marso 15, 2020. At kahit may pandemya, nagsisikap pa rin tayong dumalaw at magbigay ng lakas espirituwal sa senadora. Gayundin ang ibang pari na sinikap tumaya sa gitna ng panganib ng pandemya at sari-saring banta mula sa mga kaaway ng senadora.
Isa pang katiyakang ito ni Leila na hindi lang ang katotohanan ang kakampi niya, kundi ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, ang Panginoong Diyos.
At araw-araw pagpatak ng dilim sa kanyang maliit na kuwarto sa Crame Custodial Unit, hinaharap niya ang pag-iisa, ang pagiging solitary. ‘Di tulad ng ibang persons deprived of liberty (PDL), walang kasama sa selda si Leila. Tiniis niyang mag-isa na parang isang monghe o ermitanyo at walang kausap kundi ang Panginoong Diyos. Sa ganitong kapaligiran at kalagayan ay muli niyang nakilala ang katahimikan at wagas na panalangin. At ang bunga ng panalangin sa gitna ng malalim na katahimikan ay ang paglalim at pagyabong ng pananampalataya.
Sabi nga ni Leila, parang mahabang retreat. Araw-araw binabasa niya ang mga takdang pagbasa para sa misa. Kasama ang salita ng Diyos na nagbigay ng lubos na lakas at kagalakan sa kanya sa gitna ng pagkakakulong at ang walang saysay at katuwirang paglalayo sa kanya ng kanyang mahal na pamilya, mga kaibigan at sinumpaang gawain sa Senado.
Dagdag na pabigat kay Leila ang paghadlang sa kanyang pagtupad ng mandato bilang senador, at ang hindi makataong paglayo sa kanya sa ina at mga mahal na kapatid at mga anak. Ngunit sa kabila nito at paghiwalay sa kanyang propesyon at mandato, isa sa pinakamasipag na senador si Leila. Napakarami niyang naihaing panukala na ilan sa mga ito ang naging batas. Dito marahil nakatulong nang malaki ang pag-iisa at katahimikan niya. Napakarami niyang panahong magbasa, mag-isip at lumikha ng mga magaganda at kailangang panukalang batas.
Sa halip na madurog ang kalooban at katuwiran, lalong tumibay at luminaw ang kanyang pananaw at paninindigan.
Para sa akin, isang napakalaking pagpapala ang kanyang pagkakakulong. Mas malalim at nakumpleto ang kanyang pag-iisip, pagbibigay ng opinyon at pagbabahagi ng mga mungkahing bunga ng mahabang oras na pagbabasa’t pagninilay na may kasamang panalangin.
Humarap din sa sukdulang panganib si Leila, nang ma-hostage siya ng mga nakakulong na terorista sa Crame. Salamat sa mahusay na pagligtas sa kanya ng isang opisyal ng pulis at buhay si Leila.
Tuluyang lumaya na rin noong Lunes ang dating senadora matapos na maabsuwelto sa lahat ng kasong isinampa laban sa kanya.
Sa paglaya ni Leila mula sa pagkakakulong at sa mga ‘di makatarungang pagsampal sa kanya ng mga imbentong kaso, hindi lang siya ang lumaya. Isa siyang maliit ngunit tunay at konkretong hakbang tungo sa kinabukasang pinapangarap ng lahat. Kailangan lang matutunan din ng lahat ang kahulugan ng kanyang pinagdaanan. Hindi basta ipinagkakaloob ang kalayaan dahil ito ay pinaglalaban, pinagtitiisan at pinagdarasal hanggang sa makamit. Malinaw din na hindi pa tapos ang laban ni Leila kahit malaya na. Alam din niyang maraming dapat lumaya ngunit patuloy pa rin silang biktima ng ‘di makatarungang sistema, mapagsarili at matinding pamumulitika.
Gayunpaman, taos pusong pasasalamat sa mga lumaban at nagdasal para kay Leila. Malinaw na ang paglaya niya ay paglaya din nating lahat!
Kommentare