top of page

Kung totoong binawi ng ex-Bulacan DPWH engineers ang testimonya, safe na sina Sen. Estrada, Villanueva, at ex-DPWH Usec. Bernardo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 13, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SAKALING TOTOONG BINAWI NG FORMER BULACAN DPWH ENGINEERS TESTIMONYA NILA SA SENADO, SAFE NA SA KASO SINA SEN. ESTRADA, SEN. VILLANUEVA AT EX-SEN. REVILLA – Inanunsyo ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na magkakaroon muli ng imbestigasyon ang kanyang komite sa Enero 19, 2026. Layunin nitong siyasatin ang ulat na binawi nina dating DPWH Bulacan 1st District Engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza ang kanilang naunang testimonya, kung saan inamin nilang sangkot sila, pati na ilang senador, sa flood control scandal.


Kung totoo nga na binawi nila ang kanilang testimonya, nangangahulugan ito na maaaring hindi na masasangkot sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, dating Sen. Bong Revilla, at dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co. Boom!


XXX


DAPAT ‘WAG LANG SA BULACAN MAGPOKUS, DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NI SEN. LACSON ANG FLOOD CONTROL SCAM SA IBANG LALAWIGAN – Napapansin ng publiko na ang Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Lacson ay nakatuon lamang sa flood control scam na kinasasangkutan nina Engineers Alcantara, Hernandez, at Mendoza sa Bulacan, kahit na malawak ang saklaw ng mga ganitong kaso—halos bawat probinsya ay may sariling flood control scandal.


Dapat ding imbestigahan ng komite ang mga naganap na flood control scams sa ibang lalawigan. Maaaring may matuklasan pa sila na mga district engineers at kanilang mga kasabwat na senador at kongresista, na mas malaki ang tinangkang pagnanakaw kaysa sa ginawa sa DPWH-Bulacan.


XXX


MARAMING NANINIWALA SA IMBESTIGASYON NG KAMARA SA FLOOD CONTROL SCAM  – Dahil ipagpapatuloy na muli ng Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Lacson ang imbestigasyon sa flood control scandal, dapat payagan na rin ni Speaker Bojie Dy ang House Infra Committee ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na muling magsiyasat.


Nang palitan ni Isabela Rep. Dy si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker, sinabihan niya si Cong. Ridon na itigil na ang imbestigasyon sa flood control scam, dahil daw wala naman naniniwala sa kanilang mga findings.


Mali ang pahayag na iyon ni Speaker Dy, sapagkat naniniwala ang nakararami sa mga Pilipino nang unang ibulgar ni Engr. Hernandez sa komite ni Cong. Ridon ang sangkot sa flood control scandal—kabilang sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, at ang noo’y DPWH For Operations Usec. Roberto Bernardo. Boom!


XXX


NGAYONG PD NA ULI SI COL. SUERTE, DAPAT IPA-RAID NIYA ANG MINI-CASINO NINA 'PATRICK' AT 'TOYOY' SA LA TRINIDAD, BENGUET – Balik na sa kanyang dating posisyon bilang Benguet Police Director si P/Col. Lambert Suerte.


Ngayon na siya na muli ang PD, dapat magpakitang-gilas siya at ipa-raid ang mga mini-casino nina "Patrick" at "Toyoy," na matatagpuan sa gilid ng public market at sa gilid ng Benguet Agri Pinoy Trading Center (BAPTC), parehong nasa La Trinidad, Benguet. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page