Kung sila ni Matet, bati na… IAN, KAYA RING PATAWARIN SI LOTLOT

ni Melba R. Llanera @Insider | November 20, 2026

Photo: File / Lotlot De Leon at Ian De Leon - Circulated - FTWBA
Ngayong kinumpirma na ni Ian de Leon na bukas na ang komunikasyon nila ng kapatid na si Matet, marami sa mga Noranians at malalapit sa pamilya ang humihiling at nagdarasal na ang susunod niyang ayusin ay ang relasyon nila ng ate niyang si Lotlot.
Nang tanungin namin si Ian kung naniniwala ba siya na mauuwi rin sa pagbabati ang away sa pagitan nila ni Lotlot, para sa aktor ay sumusunod lang siya sa agos ng mga pangyayari at kung magkakaayos sila sa panahong itinakda ng Diyos ay hindi siya hahadlang dito.
Ayon din kay Ian, kung si Hesus nga ay nakapagpatawad sa mga taong nagpako sa Kanya sa krus, sino naman siya para hindi gawin ito sa mga taong nakasakit sa kanya.
Ang pokus sa ngayon ni Ian ay ang mga naiwan ni Ate Guy. Nang kumustahin namin sa kanya ang Nora Aunor Foundation at ang museo ng namayapang Superstar na balak itayo sa Iriga, kung saan ipinanganak at lumaki si Ate Guy, ibinahagi sa amin ni Ian na ayaw niyang madaliin ang mga bagay-bagay at gusto niyang busisiin nang mabuti ang bawat hakbang na ginagawa niya.
Ang gusto raw niya ay hindi engrande, kundi mag-iwan ng impact ang bawat proyektong iniwan ng ina at maramdaman ng tao ang presensiya nito.
Nagpakatotoo lang…
IÑIGO, WALANG NAKIKITANG BALIKAN NILA NI MARIS
PINAGTAMBAL noon ng ABS-CBN sa ilang shows nila sina Iñigo Pascual at Maris Racal, kung kaya’t nabuo ang tambalang MarNigo. Nagkaroon sila ng maraming fans, kaya’t nalungkot ang mga ito nang mabuwag ang tambalan ng dalawa at ang nabuong espesyal na unawaan nila ay nauwi sa paghihiwalay ng kanilang mga landas.
Nabalita noon na bukod sa magkaibang career paths na gusto nilang tahakin ay hindi pa handa si Iñigo na gawing pormal ang relasyon nila ni Maris, samantalang ang huli ay handa nang i-level up ito.
Hindi man natuloy sa isang totohanang relasyon, masaya si Iñigo na maganda ang relasyon nila ng aktres sa ngayon bilang magkaibigan at bukas ang komunikasyon sa pagitan nilang dalawa.
Well, nang tanungin namin kung ngayong pareho silang single ni Maris ay hindi ba siya nagsasara ng pinto na manumbalik ang espesyal na nararamdaman nila para sa isa’t isa, agad na nagbigay ng pahayag sa amin ang aktor na bukas siya sa kung ano ang itatakda ng tadhana, pero ayaw niya itong bigyan ng pansin dahil wala pa siyang nakikitang ganitong posibilidad.
Abala at excited si Iñigo sa Tagalog adaptation ng The Good Doctor, kung saan gagampanan niya ang papel ni Dok Dong, na siyang lead actor ng nasabing medical series.
Dito ay makakapareha niya si Janella Salvador sa kauna-unahang pagkakataon. Ninong pala siya ni Jude na anak ni Janella at matagal na silang magkaibigan ng aktres.
Excited sa pagbabalik-showbiz…
JEN NG VIVA HOT BABES, HAPPY NA SUPORTADO NG MISTER NA KONSEHAL
PAGKATAPOS ng matagumpay nilang Bulaklak: The Viva Hot Babes Reunion Concert na ginanap sa New Frontier Theater noong October 23, excited na bumalik sa acting si Jennifer Lee-Luancing.
Ani Jen, sobra niyang na-miss ang gumawa ng kakaibang karakter tulad ng ginampanan niya sa FPJ’s Ang Probinsyano at Maria, na ipinalabas sa Netflix, kung saan isa siyang kontrabida, at ang lead action role niya sa Steal at Babaylan sa Viva One.
Ipinagpapasalamat ng Viva Hot Babe member ang pagiging maunawain at supportive ng asawang si Mak Mak Luancing, isang city councilor ng Lipa, Batangas, pagdating sa kanyang pagiging DJ at artista.
Nagbibigay ito sa kanya ng mga creative ideas kapag may dadaluhan siyang mga events at production numbers.
Ipinagpapasalamat nang husto ni Jen na nagkaroon siya ng asawang sumusuporta at proud sa mga achievements niya, pero higit na nagpapasaya sa kanya ang pagkakaroon ng katuwang na kasama niya sa hirap at ginhawa at hindi siya iniwan sa kahit anong laban na pinagdaanan niya sa buhay.





Comments