top of page
Search
  • BULGAR

Kung si Claudine, idinemanda pa si Raymart…

KATRINA, ‘DI INOOBLIGA NG SUSTENTO SI KRIS PARA SA ANAK NILA

ni Melba R. Llanera - @Insider | March 15, 2021





"Wala namang problema na ganu’n sa amin ni Kris. Kung meron, meron, kung wala, wala. ‘Pag minsan, meron naman. Kung wala akong trabaho, lagot siya sa akin. Hindi, joke lang," ito ang naging sagot ni Katrina Halili nang tanungin namin kung nagbibigay ba ng buwanang sustento si Kris Lawrence sa 8 years old nilang anak na si Katie.


Ang financial support kasi ang kadalasang pinag-aawayan ng mga mag-asawa o live-in partners na nauwi sa hiwalayan ang relasyon na kadalasan ay humahantong pa sa demandahan.


Kabilang nga rito ang estranged couple na sina Raymart Santiago at Claudine Barretto kung saan nagsampa ng kaso ang huli laban sa nakahiwalay na asawa dahil sa diumano'y pagtalikod ng aktor sa pinansiyal na obligasyon sa kanilang mga anak.


Masuwerte ngang maituturing si Kris dahil ‘di pala-hanap si Katrina at tuluy-tuloy ang trabaho ng Kapuso actress. Kung kapos ito sa pera ay maoobliga siyang magbigay ng buwanang sustento sa anak sa kabila ng wala ring raket sa ngayon ang singer.


Wala ring panahon sa love life si Katrina at aniya ay skeptical na siya pagdating sa usaping puso.


Tinanong din namin kung may takot ba siya dahil kadalasan ay ginagawang trophy ang katulad niyang may seksing imahe, ngunit hindi ang isinagot sa amin ni Katrina at ang dahilan daw ay sobrang pagka-busy sa pag-aalaga sa anak at sa buhay-probinsiya nilang mag-ina kung saan namamalagi na sila ngayon sa El Nido, Palawan.


Pahayag din ng Kapuso actress, ayaw niyang mag-aksaya ng panahon at itutulog na lang niya ito kaysa sumugal ulit sa pag-ibig.


Katatapos pa lang mapanood si Katrina sa seryeng Prima Donnas ng Kapuso Network kung saan kumpirmado ang pagkakaroon ng book 2 nito. Pinaghahandaan din ng aktres ang pagsisimula ng pelikulang Abe-Nida ng BG Productions kung saan makakasama niya si Allen Dizon sa ilalim ng direksiyon ni Direk Louie Ignacio.


Isang dual personality ang gagampanan dito ni Katrina bilang Nida at Cecille na ngayon pa lang gagawin ng aktres sa buong buhay niya kaya excited siya.


Pressure at kinakabahan si Katrina dahil bukod sa mahuhusay na artista ang makakasama niya sa pelikula ay nagbitaw ng salita si Direk Louie na ang pelikulang Abe-Nida ang magbibigay ng kauna-unahang award na kikilala sa pagiging aktres niya.


Katulad kasi sa pag-ibig ay skeptical din ang Kapuso actress sa mga awards dahil sa loob ng matagal na panahon na rin niya sa industriya ay ‘di pa siya nakakakuha ng award bukod sa Sexiest Woman ng FHM.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page