Kung saan daw happy ang madir… MARTHENA, TANGGAP NA MAGPAKASAL SI AIKO KAY ONEMIG
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | May 7, 2026

Photo: FB Lotlot De Leon
Promising ang Star Worx Block 1 artists na ini-launch last May 5 ng TV5.
Ang Star Worx ay ang dating MediaQuest Artists Agency o MQAA at ngayon ay hahawakan ito ng star maker na si Mr. Johnny Manahan o mas kilala bilang Mr. M sa industriya.
Ipinakilala ang unang batch na binubuo ng 16 baguhang aktor at aktres na nagpakita ng husay sa pagsasayaw at pagkanta.
Kabilang sa kanila sina Adam Buck, Amo Wilding, Chan Martin, Nico Matugas, Patrick Ballesteros, Spencer Capistrano, Wayne Leonard, Carmela Lorzano, Celyn David, Kaitlyn King, Keisha Serna, Nathalie Apollo, Rahil Gatali, Selina Griffin, Steph Razon at Marthena Jickain.
Nang tanungin kung ano sa tingin nila ang rason kung bakit sa dinami-rami ng mga aspiring artists ay dapat silang hangaan, sinagot ng karamihan sa kanila na ang disiplina na itinuro sa kanila ng training na isinagawa ni Mr. M at ang pagiging bukas nilang matuto para maipakita ang kanilang mga kakayahan at talento ang gagamitin nilang pasaporte para tumagal sila sa industriya.
Ayon nga kay Mr. M, ang ganda, talento at kabataan ng mga ima-manage na Star Worx Block 1 artists ang nagsisilbing ningas kung bakit patuloy pa rin siya sa ginagawang paghubog sa mga baguhang artista na ang pangarap ay makagawa ng sariling tatak sa industriya.
Sa kabilang banda, ang kinausap at kinumusta ng mga press ay si Marthena, anak ng chef na si Martin Jickain at ng pulitiko-aktres na si Aiko Melendez, na present sa media launch para bigyang-suporta ang anak.
Aminado si Marthena na may pressure kapag naikukumpara siya sa ina dahil kilala ito bilang mahusay na aktres, pero ang lahat ng ito ay tinitingnan niya bilang motibasyon para higit siyang magsikap upang maipakita ang sariling kakayahan.
Sa kabila ng bukas ito sa pagkakaroon ng ka-love team, hindi pa raw papayagan ni Aiko si Marthena sa mga kissing scenes. Hindi rin naman bukas dito ang baguhang aktres na hindi pa pala nagkaka-boyfriend dahil pokus sa kanyang pag-aaral.
Gustong gumawa ni Marthena ng mga rom-com (romantic-comedy) lalo na ng mga action films. Kung titingnan ay mahinhin at pinong kumilos at magsalita, pero athlete pala si Marthena.
Samantala, nang kumustahin naman namin kung boto ba siya kay Onemig Bondoc para sa ina, agad siyang umoo at sinabing masaya siya kung saan ito magiging masaya.
Ayon pa kay Marthena Jickain, siya ang nagsabi sa ina na piliin nito ang sarili nito at buo ang suporta niya sa inang si Aiko Melendez kung saka-sakaling i-level-up na ng mga ito ang kanilang relasyon at mauwi sa pagpapakasal.
‘Pag inaantok daw sa taping, walang arte…
JOSHUA, SA UPUAN LANG NATUTULOG
Sa blue carpet at special screening ng Love Is Never Gone (LING) na pinagbibidahan nina Joshua Garcia at Ivana Alawi, puring-puri ng mga beteranang artista mula kina Epy Quizon, Michael de Mesa, Ara Mina at Dina Bonnevie ang husay at propesyonalismo ng mga kabataang artista, partikular na si Fyang Smith.
Ayon sa kanila, kung titingnan ay patawa-tawa at laging masaya ang aura ni Fyang, pero sa sandaling umarte na ito ay lumalabas ang husay nito bilang aktres.
Sa parte naman ni Joshua, dati pa pala ay nahuhusayan na si Dina sa galing niyang umarte lalo na nang mapanood ng aktres ang pelikulang Meet, Greet & Bye (MGB) na kasama si Joshua.
At lalo pang napabilib si Dina sa husay ng aktor nang magkasama sila sa LING, kung saan sa unang napanood naming episode ay lutang na lutang ang husay ni Joshua.
Wala namang masasabi si Epy sa propesyonalismo ni Joshua, kung saan hindi niya ito kinakitaan ng attitude problem kahit pagod at puyat ito.
Pagkukuwento nga ni Epy, na siyang gumaganap bilang ama ni Joshua sa istorya, alam niya kapag inaantok ang aktor dahil natutulog lang si Joshua sa upuan, nakayukyok sa mesa.
Anyway, ang Love Is Never Gone ay mapapanood sa Prime Video sa darating na May 8. Ito ay sa ilalim ng produksiyon ng Dreamscape Entertainment, sa direksiyon nina Manny Palo at Jojo Saguin.
Pinagbibidahan ito nina Joshua Garcia, Ivana Alawi, Jane Oineza, JC Alcantara, Fyang Smith, JM Ibarra, Jameson Blake at ng mga batikang artista na sina Irma Adlawan, Epy Quizon, Ara Mina, Michael de Mesa at Dina Bonnevie.




Comments