Kung online scatter slots ipagbabawal, dapat i-ban din ang online sabong at online sakla
- BULGAR
- Jun 24
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 24, 2025

KAPAG NAG-FILE NG ‘MR’ SA SC ANG COMELEC, MAY PAG-ASA PANG MAPAIRAL ANG KANILANG 2ND PLACER RULE -- Sa desisyon ng Supreme Court (SC) na pinonente o isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan na hindi puwedeng pumalit ang 2nd placer sa nanalo pero nadiskuwalipikang kandidato sa local election, ay hindi naman pala lahat ng 15 mahistrado ng Korte Suprema ang pumabor dito kasi walo lang sa kanila ang bumoto ng "yes" at lima ang nag-"no" o sumalungat at dalawa ang nag-abstain.
Sabi ni Justice Gaerlan na talo raw sa eleksyon ang 2nd placer sa local election kaya’t hindi raw dapat ito ang pumalit sa nadiskuwalipika na nagwaging kandidato sa pagka-governor o pagka-mayor, na ang dapat daw pumalit dito ay ang nagwagi sa pagka-vice governor o pagka-mayor. Pero sinalungat siya ni Associate Justice Marvic Leonen na nagsabing tama ang Comelec sa kanilang 2nd placer rule kasi gobernador o mayor naman daw tinakbuhan ng 2nd placer kaya’t dapat na siya ang pumalit at hindi ang nagwagi sa pagka-vice governor o pagka-vice mayor dahil nga raw vice governor o vice mayor ang kinandidatuhan nito at hindi naman for governor o mayor.
May punto rito si Justice Leonen, kaya sakaling mag-file ng motion for reconsideration ang Comelec, dahil dikitan naman ang nangyaring botohan sa SC, ay maaaring baguhin ng mga mahistradong pumanig kay Justice Gaerlan ang kanilang boto, na maaaring kay Justice Leonen na sila pumanig pabor sa 2nd placer rule ng komisyon, period!
XXX
NAGALINGAN NA SI SEN. JINGGOY KAY PNP CHIEF GEN. TORRE -- Kung dati ay kontra si Sen. Jinggoy Estrada sa pagtalaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, ngayon ay pabor na ang senador dahil nakita raw niya ang mga repormang ginagawa ng bagong hepe ng pulisya sa police organization.
Ibig sabihin, nagalingan si Sen. Estrada sa pamumuno ngayon ni Gen. Torre sa PNP, palakpakan naman diyan!
XXX
DAPAT IPAGBAWAL DIN ANG ONLINE SABONG AT ONLINE SAKLA -- Ipinag-utos ni PBBM ang pagbabawal sa mga online gambling na scatter slots sa social media dahil masyadong maraming Pinoy na raw ang nalululong sa sugal na ito.
Teka, bakit online scatter slots lang ipagbabawal? Sana ipagbawal na rin ang online sabong at online sakla kasi ang dami ring nalululong sa dalawang online gambling na ito, period!
XXX
DAPAT PANGALANAN NA NI ALYAS ‘TOTOY’ ANG UTAK SA PAGPATAY SA MGA MISSING SABUNGERO -- Mali ang ginagawa ng isang alyas "Totoy" na inuunti-unti niya ang pagsisiwalat sa ‘utak’ sa pagpatay sa mga missing sabungero.
Dapat ay pangalanan na niya ang ‘utak’ sa krimeng ito, kasi kapag siya ay pinapatay, back to zero na naman ang kasong ito, na baka tuluyan nang hindi mabigyan ng hustisya ang mga pinatay umanong missing sabungero, tsk!
Comments