top of page

Kung may ‘K’ kasuhan ng squatting ang mga omukupa sa kanyang lupa ng walang paalam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 25, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 25, 2021



Dear Chief Acosta,


Mayroong naiwang lupa ang aking yumaong mga magulang. Dahil sa Maynila ako nakatira ay matagal kong hindi nadalaw ang lupaing ito. Nagulat na lang ako nang pag-uwi ko sa probinsiya ay may mga bahay nang nakatayo sa aking lupa. Kilala ko ang iba sa mga nakatira rito at alam kong sila rin ay may sariling lupa at hindi naman masasabing mahirap. Ang masakit pa ay pinauupahan nila ang ibang bahay kaya pinagkakakitaan pa nila ang aking lupa. Maaari ko ba silang sampahan ng kasong squatting? – Rodel


Dear Rodel,


Dapat ninyong malaman na matagal nang naipawalambisa ang Presidential Decree (P.D.) No. 771 o ang “Anti-Squatting Law”. Ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Republic Act (R.A.) No. 8368 o ang “Anti-Squatting Law Repeal Act of 1997” na ganap na naging batas noong ika-27 ng Disyembre 1997.


Samakatwid, hindi na itinuturing ng ating batas na kriminal ang karaniwang squatter.

Ngunit, mayroong partikular na squatter na maaari pa ring parusahan sa ilalim ng R.A. No. 7279 (Urban Development and Housing Act of 1992) na mas kilala bilang “Lina Law”. Ayon sa Section 2 (m), Article I ng nasabing batas:


“(m) ‘Professional squatters’ refers to individuals or groups who occupy lands without the express consent of the landowner and who have sufficient income for legitimate housing. The term shall also apply to persons who have previously been awarded homelots or housing units by the Government but who sold, leased or transferred the same to settle illegally in the same place or in another urban area, and non-bona fide occupants and intruders of lands reserved for socialized housing. The term shall not apply to individuals or groups who simply rent land and housing from professional squatters or squatting syndicates.” (Binigyang-diin)

Sa inyong sitwasyon, kung tunay na ang mga nagtayo ng bahay at nakatira sa inyong lupa ay hindi mahirap, bagkus ay may sapat na kita upang makatira nang lehitimo sa lugar o bahay, maaari silang maituring na mga professional squatter. Ayon sa Section 27, Article VII ng nasabing batas, ang sinumang mapatutunayan na isang professional squatter o miyembro ng isang squatting syndicate ay maaaring parusahan ng pagkakulong ng anim (6) na taon o patawan ng multang hindi bababa sa animnapung libong piso (P60,000) hanggang isandaang libong piso (P100,000).


Samantala, hindi maaaring ituring na professional squatter ang mga taong nangungupahan lang sa ibang taong nagtayo ng bahay sa inyong lupa.


Mas makabubuti rin kung kayo ay dudulog sa lokal na pamahalaan na nakasasakop sa inyong lupa sapagkat ito ang sangay ng pamahalaan na inatasan ng R.A. No. 7279 na magpatupad ng mga hakbang upang sugpuin ang professional squatting. Kabilang dito ang summary eviction ng sinumang mapatutunayan na isang professional squatter (Section 27, Article VII).


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page