top of page
Search
  • BULGAR

Kung may da best na bakuna, ‘yun ay kung ano ang nariyan ngayon

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 03, 2021



Totoo ang sinasabi ng mga eksperto na ang bakunang nariyan na at handa nang iturok ang pinakamabisang bakuna laban sa COVID-19 at wala nang hihigit pa riyan kumpara sa mga bakunang hindi pa natin nakikita.


Hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang marami sa ating mga kababayan kung magpapaturok ba o hindi ng bakuna laban sa COVID-19 dahil puro takot ang umiiral pero inip na inip naman sa pagdating ng bakuna.


Pero ngayon ay nawala na kahit paano ang inip na nararamdaman ng marami sa ating mga kababayan matapos na dumating na ang unang batch ng COVID-19 vaccine na donasyon mula sa China.


Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang dumalo sa seremonya na isinagawa sa mismong pagdating ng inisyal na 600,000 doses ng Sinovac Biotech’s CoronaVac, na dinala ng Chinese military aircraft.


Unang batch lamang umano ito sa may 25 milyong CoronaVac doses na nakatakdang i-deliver at ang bawat batch ay mapupunan umano ang kabuuan hanggang matapos ang taong ito.


Sa wakas ay mararamdaman na rin ang inaprubahan naming Senate Bill No. (SBN) 2057 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 na ang inyong lingkod ang isa sa co-author nito.


Layon nitong mapabilis ang proseso nang pag-angkat ng bakuna para agad na matugunan ang kaligtasan ng bawat Pilipino at tuloy ay makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay para sa pag-angat ng ekonomiya.


Napakalaki ng magandang epekto ng bakunang ito na unang dumating sa bansa dahil marami na sa ating mga kababayan ang nakakaramdam na ng pag-aalala dahil sa napakatagal na pagdating ng bakuna lalo pa at naantala na naman ang kauna-unahang iniangkat sana nating Astrazeneca vaccine.


Ngunit dahil sa pagdating ng bakuna mula sa China ay malaking hudyat na ito na totoo ang bakuna at tuloy na ang vaccine rollout na inaasahang sunud-sunod nang magdaratingan ang iba pang brand ng bakuna sa Pilipinas.


Sa isang banda ay maiintindihan natin ang mga kababayan nating nagbibigay ng mga opinyon at pangamba hinggil sa mga naglalabasang bakuna dahil sa hindi naman sila eksperto sa medikal na kaalaman.


Umaasa lamang ang marami sa ating mga kababayan sa mga detalyeng nakukuha rin nila sa kapwa nila kulang sa kaalaman o opinyon sa napakikinggan nila sa radyo at napapanood sa telebisyon.


Pero ang nakalulungkot ay may mga doktor at ilang frontliner ang nagbibigay ng pahayag na hindi sila sila magpapabakuna kung ang brand ng Sinovac ang ituturok sa kanila.


Ang Pangulo na 77-anyos na sa susunod na buwan ay nais naman talagang magpaturok ng bakuna ngunit tinutulan umano ito ng kanyang mga doktor dahil ang nais nila ay ibang Chinese brand ang iturok at hindi Sinovac na nakadagdag din sa isipin ng marami.


Dahil sa mga balitang ito ay nadaragdagan ang pangambang nararamdaman ng marami at ngayon ay nasa estado sila na maghintay muna kung ano ang magiging resulta ng Sinovac sa mga unang naturukan.


Maraming nababanggit na brand tulad ng Pfizer, Moderna at iba pang bakuna na gawa ng ilang popular na pharmaceutical company na nais ng marami na maiturok sa kanila ngunit ang lahat ng ito ay iniulat na marami rin ang kinakitaan ng masamang epekto at may mga namatay pa.


Ibig sabihin, ang lahat ng bakuna ay hindi talaga perpekto ngunit sa kabuuan ay higit na mabuti ang dulot nito kumpara sa maliit na negatibong resulta at ito lamang ang tangi nating pag-asa para magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19.


Mahalaga ang bawat araw sa pag-inoculate kaya’t hindi tama ang pag-iisip na maghihintay pa tayo sa specific brand o perpektong bakuna na gusto natin.


Ang inaalala natin, baka mamaya ay isip tayo nang isip kaya patumpik-tumpik pa tayo dahil hintay tayo nang hintay sa perpektong bakuna at sa kahihintay natin ay mahawa na tayo sa sakit at maging dahilan pa ng ating kamatayan.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page