Kung maraming partylist rep. na dawit sa anomalya, buwagin na lang ang partylist system
- BULGAR

- Aug 28
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 28, 2025

PANAWAGAN NINA SENS. LACSON AT SOTTO NA IMBESTIGAHAN ANG P142B PORK BARREL NA ISININGIT DAW NI SP ESCUDERO SA 2025 NATIONAL BUDGET, DAPAT GAWIN DIN NG KOMITE NI SEN. MARCOLETA -- Nang manalo at maging senador uli sina Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto ay ninais nilang imbestigahan ang napabalitang pagsingit daw ni Senate President Chiz Escudero ng higit P142 billion sa 2025 national budget, pero ang panawagan nilang ito ay dinedma lang ng majority senators na mga kaalyado ni SP Escudero.
Tutal nagsasagawa naman na ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta sa mga sangkot sa flood control projects scam, dapat ipakita niya sa publiko na walang sasantuhin ang kanyang komite sa imbestigasyon, na sana pakinggan niya ang panawagan nina Sens. Lacson at Sotto na imbestigahan na rin kung saan napunta ang higit P142B na pork barrel na isiningit daw ni SP Escudero sa 2025 national budget, lalo’t ang kaibigang kontraktor ng Senate president na si Lawrence R. Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc. ang rank 7 sa mga kontratistang ibinulgar ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na nakakuha sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ng sangkatutak na mga proyektong pangontra sa baha, period!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NG KAMARA SI AKO BICOL REP. ELIZALDY CO, SIYA ANG CHAIRMAN NG HOUSE APPROPRIATIONS NOON, TAPOS KUMPANYA NG PAMILYA AT KUMPANYA NG UTOL NIYA ANG NAGTAMASA SA FLOOD CONTROL PROJECTS -- Sa imbestigasyon naman na gagawin ng Kamara na pamumunuan ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon, chairperson ng House Public Accounts Committee, dapat gisahin niya ang kapwa niya kongresista na si Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, dating chairperson ng House Committee on Appropriations dahil ang construction firm na pag-aari ng pamilya nito na Sunwest Inc. at ang Hi-Tone Construction and Development Corp. na pag-aari naman ng kapatid niyang si Christopher Co ay kabilang sa top 15 contractors na nakakuha sa DPWH ng sangkatutak na flood control projects.
After ng House Public Accounts Committee investigation, dapat ang committee report ay isumite sa Office of the Ombudsman para imbestigahan din si Cong. Elizaldy Co dahil malinaw na may conflict of interest ang ginawa niya dahil siya ang chairperson noon ng House Committee on Appropriations, tapos ang construction firm na pag-aari ng pamilya at construction firm na pag-aari ng utol niya ay nagtamasa ng sangkatutak na flood control projects, tsk!
XXX
DAPAT BUWAGIN NA ANG PARTYLIST SYSTEM SA ‘PINAS DAHIL MAY MGA PARTYLIST REPRESENTATIVES NA NASASANGKOT SA ANOMALYA -- Noong June 2022 ay hiniling sa Ombudsman ng anti-corruption group na Task Force Kasanag na imbestigahan sina Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola, noo’y ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap at mga DPWH official dahil sa may anomalya daw sa proyekto nilang P50B na landslide slope protection system sa Cordillera Administrative Region (CAR) na inumpisahan noong year 2018.
Hindi na natin alam kung anong ginawang aksyon ng Ombudsman sa reklamong ito ng Task Force Kasanag, pero ang kapuna-puna sa isyung ito ay mga partylist representative ang isinasangkot ng grupo sa sinasabi nilang anomalya sa proyektong ito.
Hay naku, kung ganyan na may mga partylist representative na nasasangkot sa anomalya, dapat na talagang buwagin ang partylist system sa ‘Pinas para sa 2028
election, wala nang partylist representatives sa Kamara, period!
XXX
PULOS BAD NEWS SA ‘PINAS, SANGKATUTAK NA ANG FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, TAPOS MAY OIL PRICE HIKE NA NAMAN! -- Kamakalawa, Aug. 26, 2025 ay may naganap na namang oil price hike na P0.70 sa gasolina, P0.50 sa diesel at P0.30 sa kerosene.
Pulos bad news sa ‘Pinas dahil sangkatutak na ang nabulgar na mga flood control project scam, tapos may oil price hike na naman na dagdag-pahirap sa mamamayan, tsk!







Comments