top of page

Kung kakalam ang sikmura ng mga nagdarahop ngayong Pasko, sino ang dapat sisihin?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | November 7, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Paano na ang Pasko ng mga taga-VisMin?

Maraming post sa social media, pero kakaunti rito na may eksena na tumutulong ang gobyerno.

Nasaan ang emergency response?

-----$$$--

KAHIT may warehouse ng relief goods sa mga naturang lugar, tiyak na lulubog at masisira ang suplay sa naturang lugar ng kalamidad.

Hindi ito simpleng palpak na flood control projects.

Ito ay epekto ng mababaw at lipas nang estilo ng pamamalakad sa kapaligiran at lipunan.

-----$$$--

HANGGANG ngayon ay talamak pa rin ang illegal logging at dispalinghado na ingatan ang mga kabundukan.

Maging ang reforestation ay ‘inutil’.

----$$$--

SA isang demokratikong gobyerno, ang lahat ng kontrol sa gobyerno, kapaligiran at lipunan ay nakasandal sa ehekutibo.

Suporta lamang ang lehislatura at hudikatura.

----$$$--

Kapag pumalpak ang tatlong pundasyong ito ng demokratikong gobyerno — ehekutibo, lehislatura at hudikatura, sasaklolo dapat ang mga constitutional bodies tulad ng COA, Civil Service Commission, Comelec at Ombudsman.

----$$$--

RESPONSIBILIDAD ng ehekutibo na matiyak na kumikilos, maayos at aktibo ang mga nasa ilalim ng direktang hurisdiksyon niya tulad ng mga departamento at LGU.

Halimbawa, alter-ego ng Pangulo ang lahat ng sekretaryo ng departamento, at direktang nasa ilalim ng kanyang superbisyon ang lahat ng LGU — gamit ang DILG.

----$$$--

SA palpak na flood control project at iba pang proyekto — kakastiguhin dapat ng Malacañang ang DPWH; sa palpak na illegal logging at reforestation — ang DENR; at sa kabulastugan ng LGU — ang DILG ang magbabantay.

Lahat ng iyan ay direktang nasa ilalim ng Malacañang.

-----$$$--

NAWAWALAN na ng tiwala ang ordinaryong tao na makakarekober pa ang burukrasya.

Malinaw kasi na hindi lamang nag-ugat ang lahat ng ito -- sa panahon ng administrasyong Marcos Jr., bagkus ay kakambal na ito ng Republika ng Pilipinas.

----$$$--

Kung tayo ang tatanungin, malaki ang papel ng pribadong sektor, ordinaryong tao at mga botante upang makarekober sa kabulukan ng lipunan at gobyerno.

Sa demokratikong gobyerno, mauugat ang lahat sa mismong mga botante na “walang masulingan” kundi ang bumoto pabor sa kung sino ang popular na may badyet sa propaganda.

-----$$$--

ANG mga oligarko at negosyante ay nagkakaloob ng campaign fund, hindi upang mabago ang gobyerno at lipunan — bagkus ay kung sino ang makakakutsaba nila sa “pandarambong”.

Ang mga elected officials — ang ilan ay mga aktuwal na mandarambong — ismagler, gambling lord, drug lord, at criminal pero hindi nakakasuhan at nagkakamal ng salapi.

----$$$--

SA demokratikong proseso, mahirap matalo ang may “unlimited campaign fund” na hindi kayang pigilin mismo ng Comelec.

Ang mga hindi kuwalipikadong elected officials na ito ay naatasang gumawa ng batas — hindi rin pabor sa lipunan at ordinaryong tao, bagkus ay pabor sa malalaking korporasyon.

Mahirap tanggapin, ang mga oligarko pa rin ang may kontrol ng gobyerno — imbes ang ordinaryong botante.

-----$$$--

ANG pilosopiya, esensiya at sustansiya ng demokratikong gobyerno — dapat ay ang mayorya ng botante o ordinaryong tao ang makapangyarihan.

Sa ayaw o sa gusto mo, hindi iyan ang natutupad — pero iyan mismo ang ugat ng krisis at bulok na lipunan.

----$$$--

KUNG kakalam ang sikmura ng mga nagdarahop ngayong Pasko, sino ang dapat sisihin?Malinaw ang sagot: hindi lamang ang gobyerno, bagkus ay maging ang mga ordinaryong tao — lalo na ang mga botante.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page