Kung imbestigasyon ng ICI open sa public, ‘di mag-iisip ang taumbayan sino ang nagsasabi ng totoo at sinungaling
- BULGAR
- Oct 12
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 12, 2025

SI EX-SPEAKER, REP. ROMUALDEZ ANG ITINUTURO NINA VP SARA, SEN. ESCUDERO AT CONG. TIANGCO NA MASTERMIND DAW SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM KAYA DAPAT ISAPUBLIKO NG ICI ANG ISASAGAWANG IMBESTIGASYON SA KANYA -- Pinadalhan na ng subpoena ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si former Speaker, Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez para maimbestigahan sa darating na October 14, 2025 kaugnay sa pagkakasangkot nito sa flood control projects scam.
Dapat ay gawing open sa publiko ang imbestigasyon ng ICI kay Romualdez para malaman ng taumbayan ang mga isasagot niya sa mga katanungan ng ICI dahil siya ang itinuturo nina Vice Pres. Sara Duterte, ex-Senate Pres., Sen. Chiz Escudero at Navotas Rep. Toby Tiangco na pinaka-mastermind daw sa flood control projects scam.
Hindi kasi pupuwede na basta iaanunsyo na lang ng ICI na itinanggi ni Romualdez ang pagkakasangkot niya sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, dahil natanim na sa isipan ng mamamayan na siya ang mastermind sa mga anomalya, dahil siya ang nasa likod ng pagkakatalaga kay resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para maging chairman noon ng House Committee on Appropriations, at siya rin ang nag-aprub ng travel authority para makalabas ito ng bansa matapos mabulgar na sangkatutak na flood control projects ang isiningit nito sa 2022 hanggang 2025 national budgets, period!
XXX
FOR DELICADEZA, HINDI DAPAT TANGGAPIN NI SEN. PIA CAYETANO ANG PAGIGING CHAIRPERSON NG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE -- Pinag-iisipan daw ngayon ni Sen. Pia Cayetano kung tatanggapin niya ang alok na maging chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee.
For delicadeza ay dapat huwag na niyang hawakan pa ang komiteng nagsasagawa ng imbestigasyon sa flood control projects dahil ang utos ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa ICI, ang imbestigahan ay ang 2016 onwards na katiwalian sa mga proyektong pangontra sa baha, ibig sabihin kung si Sen. Pia ang mamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee ay baka hindi ng mga ito imbestigahan ang mula year 2016 hanggang 2022 sa pangamba na tamaan ang kapatid niyang si Sen. Alan Cayetano na noong kongresista pa ito ay naging House Speaker din mula July 2019 hanggang October 2020, boom!
XXX
KUNG OPEN SA PUBLIC ANG IMBESTIGASYON NG ICI HINDI SANA MAG-IISIP ANG TAUMBAYAN KUNG SINO KINA RAMON TULFO AT ICI SPOKESMAN BRIAN HOSAKA ANG SINUNGALING AT NAGSASABI NG TOTOO -- Matapos ibulgar ni veteran journalist Ramon Tulfo na nagwala raw si former secretary ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sen. Mark Villar sa harap ng mga ICI member, ay agad naman itong pinabulaanan ni ICI Brian Hosaka na kesyo wala raw ganu’n na nangyari sa tanggapan ng ICI.
Kung sana naka-open sa publiko ang imbestigasyon ng ICI sa flood control projects ay hindi ngayon nag-iisip ang publiko kung sino kina Mon Tulfo at ICI spokesman Hosaka ang liar at nagsasabi ng totoo, period !
XXX
KAYA PALA NI-REJECT NG ICC ANG INTERIM RELEASE KAY FPRRD DAHIL SA PAGIGING TAKLESA NI VP SARA -- Isa sa idinahilan ng International Criminal Court (ICC) sa pag-reject nila sa hirit na interim release o pansamantalang kalayaan kay former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) ay ang mga statement ni VP Sara Duterte-Carpio sa harap ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa The Hague na samahan siya sa gagawin niyang pagsira sa detention cell ng kanyang ama, pagsasabing peke ang mga complainant at kapag nakalaya raw ay sa Davao City nila dadalhin si FPRRD, na taliwas umano sa nakasaad sa mosyon ng defense counsel na sa isang bansa na ICC member dadalhin ang dating presidente.
Kung ganu’n, ang pagiging taklesa pala ni VP Sara ang dahilan kaya na-reject ang hirit na interim release kay FPRRD, tsk!
Comments