Kung ibabalik ang death penalty para sa mga drug lord, dapat isama pati mga plunderer
- BULGAR

- Aug 4, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 4, 2025

HAPPY SI PBBM SA PAKIKIPAGBARDAGULAN NI USEC. CLAIRE CASTRO SA PAMILYA DUTERTE AT MGA DDS KAYA ‘DI SIYA SINIBAK NG BAGONG SEC. NG PCO -- Kinumpirma ni newly appointed Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez na mananatili sa posisyon si PCO Usec. Claire Castro bilang spokesperson ng Malacanang.
Ibig sabihin n’yan ay happy si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa ginagawang pakikipagbardagulan ni Usec. Castro sa pamilya Duterte at sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers kaya hindi siya sinibak, pinanatili pa rin siyang spokesperson ng Malacanang, boom!
XXX
HANGGANG NGAYON ‘DI MAIPALIWANAG NANG MAAYOS NI SP ESCUDERO ANG ISYUNG P142.7B PORK BARREL NA ISININGIT NG TROPA NIYA SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag nang maayos ni Senate Pres. Chiz Escudero sa publiko ang pinasabog na isyu ni Sen. Tito Sotto patungkol sa higit P142.7 billion pork barrel na isiningit ng grupo nito (Escudero) sa 2025 national budget.
Kung totoo man ang isyung pork barrel na isiningit ng kampo ni SP Escudero sa 2025 national budget, nangangahulugan iyan na may katotohanan pala ang ibinulgar ng World Bank (WB) noong Aug. 2019, na halos 20% daw ng yearly national budget ay napupunta sa corruption, buset!
XXX
PATI KINURAKOT NG MGA ‘BUWAYA’ SA NATIONAL BUDGET OBLIGADO ANG MAMAMAYAN NA BAYARAN -- Para mapunan ang yearly national budget ay naoobliga ang gobyerno na mangutang, at sa datos ng Dept. of Finance (DOF) ay pumalo na sa P17.27 trillion ang utang ng Pilipinas sa iba’t ibang financial institution sa mundo, at kung pagbabasehan ang inilabas na datos naman ng WB na 20% daw ng yearly national budget ay napupunta sa corruption, lumalabas na sa 20% ng P17.27T ay higit P3.4 trillion ang pinagparte-partehan ng mga ‘buwaya’ sa pamahalaan.
Obligado ang Philippine gov’t. na pakonti-konti na mabayaran ang utang na iyan, at ang ibinabayad diyan ay kinukuha sa mga tax na ipinapataw sa mga mamamayan.
Iyan ang nakakabuwisit na nangyayari sa ‘Pinas, na pati ‘yung kinurakot ng mga ‘buwaya’ sa gobyerno ay obligado na bayaran din ng mamamayan, tsk!
XXX
HUWAG DRUG LORDS LANG I-DEATH PENALTY, DAPAT PATI MGA PLUNDERER PATAWAN NG PARUSANG KAMATAYAN -- Sabi ni Bukidnon Rep. Jonathan Flores, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na pag-aaralan daw ng Kamara na ibalik ang death penalty sa mga drug lords.
Aba teka, bakit mga drug lords lang? Dapat ay isama rin sa death penalty ang mga plunderer para ma-stop na ang pangungurakot nila sa kaban ng bayan, period!







Comments