Kumpanyang responsable sa nangyari sa Skyway, dapat managot!
- BULGAR

- Nov 26, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 26, 2020
Isa ang patay habang apat ang nasaktan nang bumagsak ang malaking steel girder na bahagi ng northbound Skyway extension noong Sabado ng umaga. Limang sasakyan ang nabagsakan, kabilang ang dalawang motorsiklo. Walang kalaban-laban ang mga sasakyan. Batay sa mga ulat at litrato, mukhang hindi kinaya ng crane buhatin ang mabigat na girder na gawa sa bakal. Wala pang video na lumalabas sa social media kung ano ang aktuwal na nangyari. May sinimulang imbestigasyon para malaman kung ano ang nangyari, pero hindi tayo magtataka kung may nagkamali at nauwi sa aksidente.
Malaking bagay ang pag-iingat lalo na sa ganyang mga malalaking proyekto. Maraming tanong kung bakit tila hindi kinayanan ng crane buhatin ang girder kung marami na ang naikabit sa Skyway. Mali ba ang posisyon ng girder? Masyadong malayo ba binuhat ‘yung girder kaya tumagilid at bumigay ang crane? Unang tumaob ba ang crane at tumama sa girder kaya bumagsak?
Ilan lamang ito sa mga tanong, pero malinaw na pagkakamali ang sanhi ng aksidente na maiiwasan. Mag-iimbestiga na rin ang DOLE sa aksidente kung may pagkukulang ang kumpanyang gumagawa sa Skyway at kung may mananagot. Sana ay may matutunan ang kumpanya dahil hindi pa tapos ang Skyway. Nangako naman na tutulong sa mga biktima ng aksidente. Mahalaga ang imprastruktura na kulang na kulang sa bansa. Ilang porsiyento na kaya ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build ang natapos?
Ilang bagyo rin ang rumagasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Malaking bahagi ng imprastruktura ang nasira — lahat kailangang ayusin. Kaya kailangan talagang mag-ingat sa lahat ng oras. Hindi na dapat nadadagdagan ang napipinsala. Hindi dapat buhay ng tao ang maging kabayaran ng kaunlaran.





Comments