top of page

Kulong sa ASG members dahil sa kidnapping, dapat lang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 22, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 22, 2024



Boses by Ryan Sison

Nagbunga rin sa wakas ang napakatagal na kasong kidnapping dahil sa ipinataw na parusa ng korte sa mga akusado.


Ayon sa Department of Justice (DOJ), hinatulang guilty ng Taguig court ang 17 lider at miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na responsable sa pagkidnap sa 21 indibidwal mula sa Malaysia noong 2000.


Sa 157-pahinang desisyon na may petsang October 16, 2024, ipinahayag ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 153 Presiding Judge Mariam Bien na ang mga akusadong ASG members ay nagkasala ng 21 counts ng kidnapping at serious illegal detention na may ransom at sinentensiyahan ang bawat isa sa kanila ng reclusion perpetua (ng hanggang 40 taong pagkakakulong) para sa bawat bilang o count.


Matatandaang noong April 2000 ay dinukot ng mga miyembro ng kilalang ASG ang 21 indibidwal ng iba’t ibang nationality, kung saan 10 ay Western tourists, siyam na Malaysian, at dalawang Pilipino,  mula sa isang resort sa Sipadan Island, sa Malaysia.


Dinala ang mga biktima sa Sulu habang ang ASG members ay nang-extort ng ransom money mula sa pamilya ng mga hostage at sa gobyerno.


Bukod sa pagkakakulong, inutusan din ng korte ang mga akusado na bayaran ang 21 biktima ng P100,000 bilang civil indemnity; P100,000 bilang moral damages; at isa pang P100,000 ang exemplary damages — na lahat ay may interest sa rate na 6 porsyento kada taon mula sa petsa ng finality ng judgment hanggang sa ganap na mabayaran.


Sa isang pahayag, sinabi naman ni DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang naturang hatol ay isang repleksyon ng hindi natitinag na pagsisikap ng DOJ sa pagtataguyod ng tinatawag na rule of law nang walang takot o falter. 


Nararapat lamang ang ibinabang hatol at parusa sa mga miyembrong ito ng ASG na talagang nagdulot ng matinding takot sa mga naging biktima nila.


Kumbaga, nabigyan din ng hustisya ang nangyari sa mga indibidwal na dinukot ng mga Abu Sayyaf na posibleng kanilang pinahirapan, pati na rin ang pamilya ng mga ito.


Hiling lang sana natin sa kinauukulan na patuloy na maging patas sa pagbibigay nila ng hatol sa lahat ng mga akusado na napatunayang nagkasala kahit pa abutin ito ng napakatagal na panahon.


Nawa ay mabura na rin sa isipan ng mga kababayan ang mga katagang ‘justice delayed, justice denied’ nang sa gayon ay maibalik naman ang pagtitiwala ng lahat sa batas.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page