Kulong at multa sa nagpapakalat ng maling impormasyon ukol sa HIV
- BULGAR

- Aug 7
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 7, 2025

Dear Chief Acosta,
Dahil sa dumaraming kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) dito sa Pilipinas, dumarami na rin ang diskusyon tungkol sa HIV sa social media. Isa rito ay ang isang relihiyosong influencer na napanood ko sa isang social media platform. Nagpapakalat siya ng maling impormasyon tungkol sa HIV. Nagbebenta rin siya sa social media ng gamot na aniya ay lunas para mawala ang HIV. Maaari bang makasuhan ang mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV sa social media? -- Kaylyn
Dear Kaylyn,
Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay isa sa mga isyu sa kalusugan ng publiko na may malawak na epekto sa lipunan. Ang pagtugon sa mga kaso ng HIV sa ating bansa ay may interes ng publiko at dapat na nakaangkla sa mga prinsipyo ng karapatang pantao na nagtataguyod ng dignidad ng tao. Dahil dito ay isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11166 o mas kilala bilang “Philippine HIV and AIDS Policy Act.”
Alinsunod sa R.A. No. 11166, iginagalang, pinoprotektahan, at itinataguyod ng ating Estado ang karapatang pantao bilang pundasyon ng epektibong pagtugon sa mga kaso ng HIV at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa bansa. Idineklara ng nasabing batas na ang edukasyon tungkol sa HIV at AIDS, at ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol dito ay bahagi ng ating konstitusyonal na karapatan sa kalusugan. Kung kaya’t ipinagbabawal ng ating Estado ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV at AIDs. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Section 22 ng R.A. No. 11166 na:
“Section 22. Misinformation on HIV and AIDS, which includes false and misleading advertising and claims in any form of media, including traditional media, internet and social platforms, and mobile applications, of the promotional marketing of drugs, devices, agents or procedures without prior approval from the DOH through the Food and Drug Administration (FDA) and without the requisite medical and scientific basis, including markings and indications in drugs and devices or agents claiming to be a cure or a fail-safe prophylactic for HIV infection shall be prohibited.”
Alinsunod sa nasabing probisyon ng batas, ang maling impormasyon tungkol sa HIV at AIDS, pati ang mali at mapanlinlang na patalastas at mga pahayag sa anumang anyo ng media, kabilang ang tradisyonal na media, internet at social platform, at mga mobile applications, ng promosyonal na pagbebenta ng mga gamot, device, ahente o pamamaraan ng walang paunang pag-apruba mula sa Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Food and Drug Administration (FDA), at walang medikal at siyentipikong batayan, pati ang mga marka at mga indikasyon sa mga gamot, aparato o ahente, na nagsasabing ang kanilang ibinebentang gamot ay lunas o fail-safe prophylactic para sa impeksyon sa HIV ay ipinagbabawal.
Ang parusa sa paglabag sa batas na ito ay nakasaad sa Section 50 (a) ng nasabing batas na:
“(a) Any person who commits the prohibited act under Section 22 of this Act on misinformation on HIV and AIDS shall, upon conviction, suffer the penalty of imprisonment ranging from one (1) year but not more than ten (10) years a fine of not less than Fifty thousand pesos (50,000.00) but not more than Five hundred thousand pesos (P500,000.00), or both, at the discretion if the court: Provided, That if the offender is a manufacturer, importer or distributor of any drugs, devices, agents, and other health products found in violation of Section 21 of this Act may be seized and held in custody when the FDA Director-General has reasonable cause to believe facts found by him/her or an authorized officer or employee of the FDA that such health products may cause injury or prejudice to the consuming public;”
Kung kaya’t, ang iyong inirereklamong relihiyosong influencer, na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV at kung ang kanyang ibinebentang gamot ay hindi aprubado ng DOH at walang medikal at siyentipikong batayan, ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong mula isa hanggang 10 taon, at/o pagbabayad ng multa mula P50,000.00 hanggang P500,000.00.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments