top of page

Kulong at multa sa lalabag sa prize freeze mga lugar na binagyo, dapat lang!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 3
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 3, 2025



Boses by Ryan Sison


Kapag binayo ng bagyo ang ating bansa, ang unang iniisip ng mga tao ay ang kaligtasan, tirahan, at pagkain. Pero kasunod agad nito ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaya mahalaga ang ipinatupad ng Department of Trade and Industry (DTI), ang price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity matapos salantain ng Super Typhoon Nando at Severe Tropical Storm Opong. 


Sakop ng price freeze ang Cagayan, Masbate, Oriental Mindoro, Biliran, Romblon, at ilang bayan sa Ilocos Norte, Pangasinan, Samar, at Aklan. 


Ibig sabihin, dapat manatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin at produkto, at hindi dapat patawan ng mas mataas. 


Sa panahong hirap ang mga kababayan, hindi dapat abusuhin ang sitwasyon para lang kumita ng mas malaki. Sa Masbate, kahit pansamantalang nagsara ang ilang negosyo, karamihan sa palengke, groceries, at supermarkets ay nagbukas agad at muling bumalik ang normal na daloy ng mga mamimili. 


Tiniyak naman ng DTI na tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga distributor at retailer para hindi magkulang ang suplay. 


Kasabay nito, nagbabala rin ang kagawaran na mabigat ang parusa sa mga lalabag sa automatic price freeze na isa hanggang 10 taong pagkakakulong at multang P5,000 hanggang P1 milyon sa ilalim ng Price Act.


Ayon pa kay DTI Secretary Cristina Roque, ang itinakdang presyo ng DTI ay hindi puwedeng galawin. May mga monitoring team na ipinadala para bantayan ang galaw ng mga retailer at suppliers, sisiguraduhin na walang mananamantala at lahat ay sumusunod. 


Mahalaga ang hakbang na ito dahil hindi lang presyo ng produkto ang nakasalalay, kundi mismong kakayahan ng mga pamilya na bumangon. 


Sa gitna ng pagkasira ng tahanan, kabuhayan, at pangunahing pinagkukunan ng pagkain, dapat may katiyakan na hindi magiging hadlang ang mahal na bilihin sa pag-uumpisa ng panibagong kabanata ng buhay ng ating mga kababayan. 


Ang price freeze ay hindi lang teknikal na polisiya — ito ay proteksyon para sa mga Pinoy na nagsisimula muling itayo ang kanilang pamumuhay mula sa idinulot ng kalamidad. Sa panahon ng sakuna, ang gobyerno ay dapat maging sandigan, hindi magdagdag ng pasanin sa mamamayan. 


Nararapat lamang na higpitan ang pagpapatupad nito at parusahan ang sinumang susubok samantalahin ang kahinaan ng iba. 


Dapat lamang magmalasakit ang pamahalaan sa kanyang nasasakupan para makita ng taumbayan kung paano nito paninindigan ang karapatan ng mamamayan na mamuhay nang may dignidad kahit pa nasira ng kalamidad. 


Sa gitna o matapos ang unos, ang katarungan at pagkakapantay-pantay sa presyo ng bilihin ay malaking tulong para sa ating mga kababayan na magsisimulang bumangon mula sa mga pagsubok ng buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page