top of page
Search
  • BULGAR

Kulang na kulang ang supply ng bakuna

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 10, 2021



Ilang siyudad sa National Capital Region (NCR) ang hininto na muna ang pagbigay ng unang bakuna dahil nauubos na ang kanilang suplay at kailangan pang bigyan ng pangalawang bakuna ang mga nakatanggap na.


Sa madaling salita, hindi pa sila nabibigyan ng suplay ng National Task Force against COVID-19 (NTF). Humingi naman ng pang-unawa ang NTF dahil kulang na kulang ang kabuuang suplay para sa buong bansa. Bagama’t natutuwa ito na mas marami na ang nais magpabakuna — suplay naman ang problema.


Pero nananalig ang paniwala ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Jr. na 70-milyong tao ang makatatanggap ng unang bakuna itong Nobyembre. Kaya muli tayong bumalik sa datos.


Ayon sa ourworldindata.org/covid-vaccinations, 8.26% ng populasyon o 9.05 milyong tao ang nakatanggap ng unang bakuna noong Hulyo 6 — apat na buwan na lang bago mag Nobyembre. Kung ganyang may problema sa suplay, hindi natin alam kung maaabot ang target ni Galvez maliban na lang kung magdatingan na ang ipinahahayag na milyun-milyong doses ng iba’t ibang bakuna.


Sa worldometers.info/coronavirus/, umakyat na naman tayo ng ranggo sa listahan ng mga bansa — nasa numero 23. Noong unang nadiskubre natin ang website ay pang-32 pa tayo. Nasa apat hanggang anim na libong positibong kaso araw-araw ang naitatala pa hanggang ngayon, sa kabila ng pahayag na bumabagal na ang pagkalat sa Metro Manila. Ang mga probinsiya ngayon ang tinatamaan ng pagkalat ng COVID dahil mas kaunti umano ang natatanggap nilang bakuna mula sa gobyerno.


Nagsabi naman si Galvez na kung hindi makukuha ang target na 70-porsiyento itong Nobyembre at umabot sa 40 porsiyento, pasok pa rin tayo sa target ng WHO. Ang suma ay makatanggap ng isang bakuna ang mas maraming tao sa mas mabilis na panahon. Rumaragasa ang Delta variant sa ibang bansa kaya ito ang binabantayan ngayon ng DOH. Hindi ito dapat mabigyan ng pagkakataong kumalat sa ating bansa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page