Krimeng Qualified Theft
- BULGAR
- Oct 11, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 11, 2021
Dear Chief Acosta,
Paano ba nagiging qualified ang kaso, tulad ng theft o pagnanakaw? – Bryan
Dear Bryan,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa probisyon ng ating mga batas at desisyon ng Korte Suprema. Para sa inyong kaalaman, muling binanggit ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong People vs. Manlao (G.R. No. 234023, September 03, 2018) na sinulat ni Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe ang mga elemento ng krimeng Qualified Theft:
“The elements of Qualified Theft are as follows: (a) the taking of personal property; (b) the said property belongs to another; (c) the said taking be done with intent to gain; (d) it be done without the owner's consent; (e) it be accomplished without the use of violence or intimidation against persons, nor force upon things; and (f) it be done under any of the circumstances enumerated in Article 310 of the RPC, i.e., committed by a domestic servant.” (Binigyang-diin)
Alinsunod sa nabanggit na desisyon, ayon sa Artikulo 310 ng Act Number 3815, o mas kilala sa tawag na Revised Penal Code (RPC) na inamyendahan naman ng Republic Act (R. A.) No.10951, ang mga sumusunod na kalagayan ang nagka-qualify sa krimen ng Theft tungo sa mas matinding krimen ng Qualified Theft:
“Article 310. Qualified theft. - The crime of theft shall be punished by the penalties next higher by two degrees than those respectively specified in the next preceding article, if committed by a domestic servant, or with grave abuse of confidence, or if the property stolen is motor vehicle, mail matter or large cattle or consists of coconuts taken from the premises of the plantation or fish taken from a fishpond or fishery, or if property is taken on the occasion of fire, earthquake, typhoon, volcanic erruption, or any other calamity, vehicular accident or civil disturbance.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, maituturing na Qualified Theft kapag ang pagnanakaw ay ginawa ng kasambahay o ng tao na umabuso sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya. Maaari rin maituring na Qualified Theft kapag ang uri ng ninakaw ay motor vehicle, mail matter, large cattle, niyog mula sa plantasyon o isda mula sa palaisdaan. At pang huli, bukod sa relasyon ng magnanakaw at sa uri ng ninakaw, maaari rin maging Qualified Theft kapag ang pagnanakaw ay ginawa sa panahon ng sakuna tulad ng sunog, bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang kalamidad o kaguluhan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments