Kredibilidad ng desisyon kung ang nagsulat ay iba sa huwes na duminig sa kaso
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 30 2021
Dear Chief Acosta,
Kasalukuyang nililitis ang kaso ng aking ama. Napag-alaman naming namatay na iyong unang judge na duminig sa kaso at siya mismo ang nag-aral ng mga ebidensiya. Nagulat kami na ibang pangalan na ng huwes ang nakalagay roon sa desisyon kahit hindi naman siya ang unang judge. Hindi ba ito paglabag sa karapatan ng aking ama? Hindi ba dapat ipawalang-bisa ang desisyon? Kawawa naman ang tatay ko. – Dell
Dear Dell,
Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi. Maaaring ‘yan ang inyong pananaw, ngunit nilinaw na ng Korte Suprema na hindi nakaaapekto sa kalidad at kredibilidad ng desisyon kung ang nagsulat nito ay iba sa huwes na duminig sa kaso, maliban na lamang kung may hayagan at mabigat na paglabag sa factual findings nito. Ang mga ito ay nakasaad sa kasong Conchita Quinao vs. The People of the Philippines, rep. by The Office of the Solicitor General, and Francisco Del Monte (G.R. No. 139603, July 14, 2000), na isinulat ni Honorable former Associate Justice Santiago M. Kapunan:
“Finally, the fact that the judge who tried the case was different from the judge who penned the decision does not in any way taint the same. Indeed, "the efficacy of a decision is not necessarily impaired by the fact that its writer only took over from a colleague who had earlier presided at the trial, unless there is showing of grave abuse of discretion in the factual findings reached by him." There is no such showing in this case.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments