top of page

Kontrata ng mga caregiver bago magsimula sa trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 16
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Importante ang ibinibigay na pagkalinga ng ating mga caregiver sa mga nangangailangan ng kanilang serbisyo. Ngunit importante rin na sila ay magkaroon ng kaalaman patungkol sa kanilang karapatan. Dahil dito, may batas kaya patungkol sa pagkakaroon muna ng kontrata sa pagitan ng caregiver at kanyang magiging employer? Salamat sa inyong kasagutan. -- Renalyn



Dear Renalyn,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 5 ng Republic Act (R.A.) No. 11965, o kilala sa tawag na “Caregivers’ Welfare Act”, na nagsasaad na:


Section 5. Employment Contract. -- An employment contract shall be executed by and between the caregiver and the employer before the commencement of the service in a language or dialect understood bu [sic] both parties. A copy of the duly signed and notarized employment contract shall be given to the caregiver which shall include the following:


(a) Duties and responsibilities of the caregiver;

(b) Period of employment;

(c) Work arrangement;

(d) Compensation;

(e) Authorized deductions;

(f) Hours of work and proportionate additional payment or overtime pay;

(g) Rest days and allowable leaves;

(h) Board, lodging, and medical attention;

(i) Other benefits as stipulated in this Act;

(j) Termination of employment; and

(k) Any other lawful condition agreed upon by both parties.


The DOLE, in consultation with the National Tripartite Industrial Peace Council, shall develop a model employment contract for caregivers which shall be made available at all times in all its websites, free of charge to caregivers, employers, and the general public.”


Upang masagot ang iyong katanungan, nakasaad sa nabanggit na probisyon ng batas na nararapat na magkaroon muna ng employment contract bago magsimula ang pagbibigay serbisyo ng isang caregiver, at ang kopya ng nasabing kontrata ay dapat maibigay din sa kanya.


Ayon pa sa Seksyon 5 ng R.A. No. 11965, ang kontrata ay dapat maglaman ng mga sumusunod: a) tungkulin at responsibilidad ng caregiver; b) sakop na panahon ng trabaho; c) work arrangement; d) sahod; e) mga authorized deductions; f) oras ng trabaho at karagdagang sahod o overtime pay; g) araw ng pahinga at allowable leaves; h) tirahan at atensyong medikal; i) iba pang benepisyo na naaayon sa batas; j) pagtatapos ng kontrata; at k) iba pang mga kondisyon na naaayon sa batas at pinagkasunduan ng parehong partido.


Ang pagkakaroon ng kontrata sa pagitan ng caregiver at kanyang magiging employer ay batay sa polisiya ng batas na kilalanin ang papel ng mga caregivers sa pambansang pag-unlad. Ang mga nabanggit na pamantayan sa pagsasagawa ng trabaho ng mga caregivers ay may layunin na mabuo ang pamantayan ng propesyonal na serbisyo na masasabing may karampatang husay at kakayahang makipagkumpetensya sa pandaigdigang larangan kaugnay nito. Kinikilala rin ng gobyerno ang pangangailangang protektahan ang mga karapatan ng mga caregiver para sa isang disenteng trabaho at kita, at sumusunod sa isang patakaran ng pagprotekta sa kanila laban sa pang-aabuso, panliligalig, karahasan, at pagsasamantala.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page