Komunista ako! Talaga?
- BULGAR

- Jul 18
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 18, 2026

Minisahan natin noong Huwebes ang isang yumao nating kaibigan na bago pumanaw ay nakiusap na panatilihing nakasara ang takip ng kanyang kabaong sa buong burol. Dahil iyon ang kanyang huling habilin, walang kapatid o kamag-anak ang tumutol. Kaya naman kakaiba ang naging karanasan ng lahat—nagdaraos ng misa para sa isang yumao na hindi nakikita.
Bakit nga ba kakaiba ang pakiramdam sa harap ng nakapinid na kabaong?
Walang mukha, walang tinig, walang pisikal na koneksyon. Ngunit kailangan pa ba iyon?
Kung malalim ang ugnayan ng mga naiwan sa yumao, hindi na mahalaga kung makita pa siya sa huling pagkakataon. Iyon ang kanyang pasya bago siya pumanaw.
"Sa aking burol, isara ninyo ang aking kabaong. Kayo lamang na mahal kong mga kapatid ang maaaring tumingin sa akin. Hayaan ninyo akong tahimik na lumisan."
Habang nakaharap tayo sa saradong kabaong at sa katahimikan ng burol, naisip natin ang Senado ng Pilipinas—isang institusyong nababalot ngayon ng ingay, palabas at mababaw na pulitika.
Mainam na ring ituloy ang impeachment trial upang isa-isang mailahad ang mga ebidensya at kongkretong datos sa halip na haka-haka at imbentong naratibo. Ngunit hindi maiiwasang sa prosesong ito ay magsilabasan ang lahat—katotohanan at kasinungalingan, maingat na inihandang script at tunay na testimonya. Sa gitna ng ingay, sana'y manaig ang kakayahan ng taumbayan na makita at salain ang totoo.
Tiyak na hahaba pa ang mga araw ng pagdinig, puno ng "talk, talk, talk" at "act, act, act." May kani-kanyang estratehiya ang magkabilang panig. Ilalahad ang mga tunay na saksi, gayundin ang mga saksi na maaaring pinaghandaan ang bawat sasabihin.
Samantala, isang senador ang nagsabing, "Komunista ako." Nagulat at natawa maging ang mga tunay na komunista, gayundin ang mga kasapi ng iba pang progresibong kilusan. Alam ng mga ahensyang namamahala sa pambansang seguridad—kabilang ang Department of National Defense, National Bureau of Investigation, Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police, at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)—kung sinu-sino ang mga kinikilalang komunista at mga kasapi ng armadong kilusan.
Kung tunay ngang komunista ang senador, bakit hindi siya naging paksa ng red-tagging? At ngayong siya mismo ang nagsabi nito, ano ang magiging tugon ng mga naturang ahensya?
Masama ang red-tagging. Hindi lahat ng may ipinaglalaban ay komunista, at hindi rin simpleng usapin ng kulay o ideolohiya ang problema ng lipunan. Kung matino ang pamahalaan, walang korapsyon, walang manipulasyon sa hustisya, at tunay na pinaiiral ang katarungan, higit na magiging mapayapa ang bansa.
Nauunawaan kaya ng senador ang bigat ng salitang kanyang ginamit? Batid kaya niya ang kasaysayan ng komunismo at ang mga ideyang nagmula kina Hegel, Feuerbach, Karl Marx, Lenin, Trotsky, Stalin at Mao, na nakaimpluwensya sa iba't ibang kilusang komunista at sosyalista sa buong mundo?
Napakadaling sabihin ang, "Komunista ako." Ngunit mas mahalagang maging responsable sa paggamit ng mga salitang may mabigat na kasaysayan. Makalipas ang ilang araw, nilinaw ng senador na isa raw siyang "Christian Communist." Hindi na natin uulitin dito ang kanyang paliwanag, sapagkat lalo lamang itong nagdagdag sa ingay na bumabalot sa Senado. Nakalulungkot na tila nagiging biro ang katotohanan at napakadaling lumikha ng sariling naratibo.
Hindi na bago sa atin ang maparatangang komunista. Ilang ulit na tayong tinawag na ganoon sa iba't ibang administrasyon. Totoo ba iyon?
Malapit nang ideklarang santa ang Amerikanang si Dorothy Day, na madalas ding bansagang komunista dahil sa kanyang paninindigan para sa mahihirap. Madalas niyang sipiin ang sinabi ni Dom Hélder Câmara:
"When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist."
Sa mabuting senador, isang paalala lamang: hindi ang mga label, kulay o paratang ang tinitingnan ng Diyos at ng tao. Hindi rin ang matitinding salita ang sukatan ng pagkatao. Sa huli, hindi salita kundi gawa ang tunay na mahalaga.





Comments