Kinumpirma na ng ABS-CBN… ASAP NATIN 'TO AT FPJ MOVIES, MAPAPANOOD NA SA TV5

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | January 22, 2021

Nitong Huwebes (January 21), naglabas ang ABS-CBN Corporate Communications ng official statement tungkol sa ilang programa ng Kapamilya Network gaya ng ASAP Natin 'To at FPJ movies na parehong mapapanood na sa TV5 simula ngayong Linggo, January 24.
Una nang kumalat ang balitang ang ASAP Natin 'To ang ipapalit sa tinigbak na Sunday Noontime Live nina Piolo Pascual at Maja Salvador sa TV5.
Pero bukod pala sa ASAP Natin ‘To, mapapanood na rin sa Kapatid Network ang movie block na FPJ: Da King na bagama't kasalukuyan pang umeere sa Jesus Is Lord channel na pag-aari ni Bro. Eddie Villanueva sa A2Z Channel 11 ay ililipat na rin sa Kapatid Network.
Ang dalawang Kapamilya shows ay ilalagay sa timeslot ng tatlong blocktimer programs na nagtapos na last Sunday, Jan. 17.
Habang ang ASAP Natin ‘To ay mapapanood sa timeslot ng Sunday Noontime Live (SNL), ang FPJ: Da King naman ay ilalagay sa timeslot na iniwan ng romance-comedy series na I Got You at ng gag show na Sunday Kada.
Ang SNL, I Got You at Sunday Kada ay blocktimer programs na ipinrodyus ng Brightlight Productions na pagmamay-ari ng dating Negros Occidental representative na si Albee Benitez.
Base sa statement ng ABS-CBN Corporate Communications, mapapanood ang ASAP Natin ‘To at FPJ: Da King dahil sa partnership ng ABS-CBN, Cignal, TV5 at Brightlight Productions. Ang Cignal TV ang main content provider at humahawak ng programming ng TV5.
Ayon kay Robert P. Galang, president at CEO ng Cignal at TV5, ang collaboration na ito ang simula ng “greater cooperation among various industry players and begins a new era of partnership.”
Patuloy pa rin namang mapapanood ang ASAP Natin ‘To sa A2Z Channel 11 sa free TV, Kapamilya Channel sa cable, at Kapamilya Online Live at iWant TFC sa streaming.





Comments