Kayamanang nahanap sa lupa ng iba, kanino mapupunta?
- BULGAR
- Jul 1
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 1, 2025

Dear Chief Acosta,
Sinabihan ako ng aking anak na si Sarah na may nakita diumano siyang lumang baul na nakabaon sa lupa ng aming bagong kapitbahay kung saan sila madalas maglaro. Pinuntahan ko ang nasabing baul, hinukay ko ito, at inuwi sa bahay namin. Nang binuksan ko ito, nakita ko na naglalaman ito ng mga alahas. Ikinuwento ni Sarah ang nangyari sa kanyang kalaro na si Alga, na agad namang nagsumbong sa kanyang nanay na si Joselle, patungkol sa aming nahanap sa kanilang bakuran. Ngayon ay inaangkin ni Joselle ang aming nahanap na baul at mga laman nito sapagkat diumano ito ay nakita sa kanyang bakuran. Maaari bang angkinin ni Joselle ang baul na naglalaman ng alahas na aming nahanap? — Rosmarie
Dear Rosmarie,
Ang treasure o kayamanan ay tumutukoy sa anumang nakatago at hindi malamang deposito ng pera, alahas, o iba pang mahahalagang bagay, na ang legal na pagmamay-ari ay hindi tukoy o alam. Ang depinisyong ito ay matatagpuan sa Artikulo 439 ng ating Bagong Kodigo Sibil na nagsasaad na:
“Art. 439. By treasure is understood, for legal purposes, any hidden and unknown deposit of money, jewelry, or other precious objects, the lawful ownership of which does not appear.”
Kung sakaling ang nakatagong kayamanan ay nagkataong natuklasan sa pag-aari ng iba, ang Artikulo 438 ng nasabing Kodigo ang mamamahala:
“Art. 438. Hidden treasure belongs to the owner of the land, building, or other property on which it is found.
Nevertheless, when the discovery is made on the property of another, or of the State or any of its subdivisions, and by chance, one-half thereof shall be allowed to the finder. If the finder is a trespasser, he shall not be entitled to any share of the treasure.
If the things found be of interest to science of the arts, the State may acquire them at their just price, which shall be divided in conformity with the rule stated.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang nakatagong kayamanan ay pag-aari ng may-ari ng lupa, gusali, o iba pang ari-arian kung saan ito matatagpuan. Gayunpaman, kung ang pagkatuklas nito ay nagkataon lamang at nangyari sa pag-aari ng iba, o ng Estado o alinman sa mga subdibisyon nito, ang kalahati nito ay dapat pahintulutan sa nakahanap.
Ngunit kung ang nakahanap naman ay isang trespasser, hindi siya magiging karapat-dapat sa anumang bahagi ng kayamanan. Kung ang mga bagay na natagpuan ay kapaki-pakinabang sa agham ng sining, maaaring kunin ito ng Estado matapos magbayad ng makatarungang halaga, na dapat hatiin alinsunod sa mga nabanggit na tuntunin.
Kung kaya’t sa sitwasyon ninyo, kahit pa kayong mag-ina ang nakahanap ng baul, dahil ito ay nakita ninyo sa lupa na pagmamay-ari ng inyong kapitbahay na si Joselle, may karapatan siya sa kalahati ng nasabing baul bilang may-ari ng lupa kung saan ito nakuha. Kung ang nilalaman ng lumang baul na nahanap ninyo ay kapaki-pakinabang sa agham ng sining, maaaring bayaran kayo ng Estado para sa nasabing baul. Ang halagang inyong makukuha ay paghahatian ninyo ni Joselle.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments