top of page
FRANKLY - ANNOUNCEMENT SA PAGBUBUNTIS NI SARAH, INAABANGAN NA-IG _matteog.jpg

Kayamanan ng pag-iisa sa kadiliman at katahimikan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 29, 2026



Fr. Robert Reyes


Walang ipinanganganak na santo. Daraan ang lahat sa mga pagsubok na magiging pintuan sa buhay na banal. Mamimili tayo ng pintuang papasukan. Merong mga kakaiba ang landas at pawang simple at laging tama ang papasuking pintuan. Ngunit karamihan ay magulo at masalimuot ang takbo ng buhay.


Sa maraming taong nakilala natin ang dating Senadora at ngayong kinatawang Leila de Lima, hindi naging simple at madali ang kanyang naging landas. Matinik, malubak, mapanganib at puno ng pagsubok ito. Sa kabila ng lahat, hindi siya umiwas o tumakas sa mga ito. Hinarap niya ng buong tapang, kababaang-loob at pagtitiwala sa kalooban at biyaya ng Diyos. Bunga ng kanyang partikular na paglalakbay ang pagkatao ni Leila ngayon. 


Naging Election Lawyer; Chair ng Commission on Human Rights; Secretary of Justice; Senadora; Political Prisoner at Party List Representative si Leila de Lima. Mahaba-haba na ring panahon na personal nating nasaksihan ang mga nabanggit na mga makukulay at mapang-hamon na yugto ng kanyang buhay. Malinaw na hindi santa ang Leilang nakilala natin. Karaniwang tao tulad ng lahat. May kahinaan at lakas. Nagkakamali at nabibigo. Kailangang-kailangan ang biyaya at tamang pagpapasya. Oo, nagkamali si Leila tulad ng lahat.  Subalit, naging daan ang mga pagkakamali sa tamang pagpili at pagbubukas sa biyaya ng Diyos sa siyang nakakaalam ng lahat.


Nagtatagumpay at pinagpapala ang tamang paggawa. At ang tamang paggawa ay bunga ng tamang pagpili na bunga ng paghingi at pagtitiwala sa karunungan ng Diyos. Sa buong panahong nakalakbay natin si Leila naging saksi tayo sa kanyang pagtugon sa naturang paanyaya: tumingin; magnilay; sumuri; magdasal; makinig at kilatisin ang kalooban ng Diyos; magpasya at gumawa. At ang pinakamatinding bahagi ng nakaraan ni Leila ay ang halos pitong taong pananatili niya sa piitan ng Camp Crame Custodial Center. Binilang ni Leila araw-araw ang kanyang pagkakakulong. Nakulong siya ng 2,254 (dalawang libo at dalawang daan at limampu’t apat na araw). Araw-araw iisa ang programa. Darating ang kanyang “Senate staff” ng alas-8 ng umaga. Magtatrabaho hanggang alas-5 ng hapon. Uuwi ang mga ito at iiwanan si Leila na mag-iisa nang 15 oras mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng umaga kinabukasan. Araw-araw nag-iisa si Leila sa gabi. Walang kasama. Walang kausap. Noong simula ni walang radyo (na sa bandang huli na lang ng kanyang pagkakakulong pinahintulutan) at walang kausap. Ngunit, sa kadiliman at katahimikan ng gabi, muli niyang ninamnam ang kayamanan ng pakikinig at pakikipag-usap sa Panginoong Diyos. “Natuto po akong magdasal nang tunay at malalim,” buong pasasalamat ni Leila. 


Ipinanganak si Leila noong ika-27 ng Agosto, 1959. Noong nakaraang Thursday, ipinagdiwang niya ang kanyang ika-animnapu’t pitong taong kaarawan (67). Sayang at hindi natin nadaluhan ang pa-bertdey sa kanya ni Fr. Flavie Villanueva sa Kalinga Center kung saan tumulong si Leila na magpakain hanggang alas-10:30 ng umaga. Maligayang kaarawan po Congresswoman Leila de Lima. Mabuhay po kayo. Nawa’y patuloy kayong pagpalain ng Diyos sampu ng inyong mga kasama sa Prosekusyon sa “Senate Impeachment Trial ng Bise-Presidente. Nawa’y manatili kayong bukas sa karunungan at katotohanan na nagmumula sa Diyos upang matulungan din n’yo ang lahat na maging bukas din. Matagal at masalimuot ang proseso ng “Impeachment Trial.” Maraming nangyayari na hindi natin lahat nakikita at nasusundan sa bawat araw ng paglilitis ng Senado bilang “Impeachment Court.” Sa bawat “Article of Impeachment” na tinatalakay araw-araw; sa bawat saksi na hinaharap ng depensa at prosekusyon, nanonood, nakikinig at nagpapasya hindi lang ang mga senador kundi ang lahat ng taumbayan.


Ang ginawa n’yo, mahal na Leila sa loob ng 2254 na araw sa piitan ay kailangang matutunan ng lahat. Kailangan naming:  TUMINGIN (nang malalim); MAGNILAY; SUMURI; MAGDASAL; MAKINIG; KILATISIN ANG KALOOBAN NG DIYOS; MAGPASYA AT KUMILOS. Ito po ang kulang na kulang ngayon sa dami ng nakikita, naririnig, napag-uusapan, nararamdaman, naiisip at napagpapasyahan sa gitna ng ating magulo, hati-hating lipunan. Hindi ba’t ito ang kailangang-kailangan natin ngayon? Ang katapangan at paninindigan ng kabayanihan at ang kabanalan ng wagas at ganap na pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos.


Parang nakakulong din tayong lahat ngayon sa isang malawak na piitan. Sa ayaw at gusto natin, kailangang tanungin ng bawat isa kung nasaan ang totoo at tama, nasaan ang mabuti at masama. Malungkot tingnan ang pagkakahati ng Senado. Hindi iisa ang pananaw at pag-unawa nilang lahat. Malinaw ang pagkiling ng ilan sa mga nasasakdal at sa halip na tulungang maunawaan ang totoo, tama at mabuti, tuluyan pang pinalalabo at pinagugulo ang paglilitis. Hindi ba’t ganito naman lagi ang nangyayari sa maraming korte mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa? 


Pagkatapos ng mahabang araw ng paggawa, darating ang gabi, ang kadiliman at katahimikan. Tiyak na hindi nakalimutan ni Leila ang kayamanan ng pag-iisa sa kadiliman at katahimikan. Tulad ni Leila nawa’y mapasaatin din ang kayamanang kanyang tinanggap hindi lang sa kanyang kaarawan, hindi lang sa 2245 na raw ng kanyang pagkakakulong, kundi, sa araw-araw ng kanyang buhay at ng buhay ng bawat mamamayan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page