Kaya out sa Hollywood movie ni JoKoy… SHARON, UMAMING NAGPOSITIBO SA COVID-19
- BULGAR
- May 29, 2021
- 3 min read
ni Julie Bonifacio - @Winner | May 29, 2021

Nagsanib-puwersa ang mag-asawang sina Sen. Francis Pangilinan at Sharon Cuneta para pasinungalingan ang balitang pananakit at hiwalayan nila during a live feed sa Instagram ni Megastar kahapon.
Naniniwala sina Sen. Kiko at Mega na politically motivated ang paglutang muli ng hiwalayan isyu sa kanila.
During ng live feed ni Mega, una niyang nilinaw ang tunay na dahilan ng pagpunta niya sa Amerika last week.
Gaya ng nauna naming isinulat dito sa BULGAR, Sharon went to the US para sa proyekto sana na pagsasamahan nila ng Fil-American comedian na si Jo Koy na pamamahalaan ng sikat na Hollywood director na si Steven Spielberg.
But due to some circumstances, ‘di natuloy si Mega for that movie at napunta ang role sa international star na may dugong Pinoy din na si Tia Carrere.
Nag-positive raw kasi ang resulta ng unang COVID test ni Sharon na isa sa mga required na travel documents.
“Naturally, it was heartbreaking for me. Nanlambot ako na para akong nalusaw,” pag-amin ni Sharon.
Pero nagpa-test daw ulit si Mega hanggang sa umabot nang pitong beses and all those tests are negative — dahilan para ma-depressed si Mega.
“It broke my heart. It really did,” sabi pa niya.
At isa pa sa mga labis na ikinalungkot niya sa 'di niya pagkakatuloy sa movie sana nila ni Jo Koy, bukod sa it’s an all-Pinoy cast film, eh, todo-support pa ang batikang direktor na si Steven Spielberg bilang producer.
Kumbaga, kung may Minari film sa Hollywood na binack-up-an ni Brad Pitt na mga South Koreans ang members of the cast, sa US, itong kay Spielberg ay mga Pinoy naman.
Kuwento pa ni Sharon, ito raw sana ang big surprise niya for her Sharonians na ang idolo nila ang unang Pinay actress (although a US resident) ang makaka-penetrate sa isang Hollywood film.
“Para akong namatayan,” himutok pa ni Sharon.
Dito raw nanggagaling ang mga hugot posts niya sa kanyang socmed, pati na rin daw ng anak niyang si KC Concepcion.
From the very start daw ay alam lahat ng kanyang mister at mga anak nila, pati na si KC, ang tungkol sa proyekto with Jo Koy and Spielberg.
Even ang executives daw ng ABS-CBN ay knows ang tungkol dito and they were all very supportive of Sharon. Kaya sa grand finals ng Your Face Sounds Familiar ngayong Sabado at Linggo ay aapir daw siya.
Ini-reveal din ni Sharon na halos lahat ng kinita niya sa YFSF ay napunta raw sa pamimigay niya ng tulong.
Samantala, inalmahan ni Sharon ang naglipanang gawa-gawang kuwento lalo na sa YouTube with matching paiyak-iyak pa raw niya sa video dahil sa pananakit sa kanya ni Sen. Kiko na dahilan daw ng pagpunta niya sa Amerika.
“There is no truth to all of that,” diin ni Mega.
“He cannot hurt me.”
Hindi rin daw siya nagsinungaling nu'ng sinabi niya that she was sick.
“I was sick in my heart kasi nga nawala ‘yung opportunity ko,” esplika niya.
Sabi naman ni Sen. Kiko, nangyari na raw ang ganitong paninira sa kanila ni Sharon noon, paulit-ulit lang daw.
Every time na lang na malapit na ang election, laging may isyu sa pagsasama nila ni Sharon para siraan si Sen. Kiko.
“Bumenta na ito, eh. This happens all the time. So, we must be very vigilant,” lahad ni Sen. Kiko.
Say naman ni Sharon, “A lot are politically motivated. Kung gusto niyang tumakbo, he has all my support.”
Makikita sa video na nasa ibabaw ng kama si Sharon sa kuwarto ng bahay ng isa sa mga best friends niya na nasa US.
Sa kabila ng napurnadang Hollywood project niya, kitang-kita naman ang happiness at excitement kay Sharon.
Wala raw tigil ang kanyang bagong manager sa US sa pakikipag-usap sa iba’t ibang tao roon for a possible projects for her. Mas madali raw kasi siyang i-market at ihanap ng project habang nasa US siya.
Ito marahil ang dahilan kaya naisip ni Sharon na mas maglagi sa US. After all, requirement din daw sa kanya as a US resident na mag-stay sa Amerika for half a year sa bagong rule na ii-implement ng US government sa mga gaya niya.
At the same time, excited din siyang bumalik ng 'Pinas dahil may dalawang teleserye pa raw siyang gagawin at isang pelikula na long overdue na.
Hindi kaya ito na ang matagal na hinihintay ng mga fans niya na movie with Gabby Concepcion?





Comments