Kaya namang solusyunan ang laging pagbaha, bakit hindi magawa?!
- BULGAR

- Aug 1
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 1, 2025

’Ika nga ng bandang Aegis, “Basang-basa sa ulan” muli ang taumbayan matapos ang matinding sunud-sunod na pagbagyo nitong ikaapat na linggo ng Hulyo. Ngunit imbes na dalamhati ng isang luhaang mangingibig na tema ng naturang awitin ay bahang-baha ng hinagpis ang libu-libong mamamayan bunga ng may limang araw na hagupit ng habagat at tatlong naghalinhinang unos.
Oo, ang baha ay matagal nang mapait na bahagi ng buhay Pinoy, lalo na para sa mga residente ng mabababang lugar sa Kalakhang Maynila o mga taga-probinsyang hindi makahulagpos rito. Napapailing tayo sa kalagayan ng mga apektado — na nawalan ng mga mahal sa buhay, ang iba’y naiwang ulila sa isang iglap.
Hindi maikakaila na napakalaki nating problema ang pagbaha. Ngunit lalong hindi maitatatwa na ito ay isang suliranin na kayang masolusyunan. Patuloy itong naipapamalas ng mga siyudad ng Taguig at Marikina, kung saan halos wala o katiting lamang ang naging tubig-baha sa mga kalye.
Bukod pa riyan ay ang pagkakaroon ng gobyerno ng pondo para sa mga proyektong pang-flood control, na ayon sa isang senador ay nasa bilyon ang halaga ngunit marahil ay halos tuluyang inanod dala ng katiwalian ng maraming makapangyarihan ng nakalipas na mga taon at dekada — sila na nakasandal sa karaniwang saloobin ng pobreng Pilipino tuwing baha: Bahala na.
Hahayaan na lang ba natin ito? Wala na bang pag-asa na magbago ang ating pamumuhay sa tuwing may nakababahalang anunsyo ang PAGASA? Hindi pa ba tayo nagsasawa sa balita ukol sa maiiwasan sanang mga sakuna o mga kuwento ng maaalpasan sanang mga trahedya?Kailan pa tayo magigising sa malaking kawalan na dulot ng ganitong mga delubyo — maging sa kanseladong mga klase o biyahe, sa paghinto ng pakikipagsapalaran ng mga hamak na manggagawa’t negosyante, at maging sa paglaho ng hininga ng mga inosenteng walang kutob na tatangayin pala ng baha ang kanilang buhay?
‘Di pa ba tayo nasusuklam nang todo sa pagwaldas ng ating kalikasan, gaya ng pangkakalbo ng ating mapuno sanang kagubatan at ang resulta nitong kawalan ng mga pangharang sa rumaragasang baha dahil sa pagguho ng ating mga kabundukan?
Hindi pa ba tayo naririndi sa malaking abalang dulot ng matinding pag-ulan, na makabubura ng pagiging normal ng ating araw, o nakapipinsala sa ating kabahayan at ari-arian?
Mananatili ba tayong matiisin at tatanggapin na lamang maging lagpas-dibdib o -tao na karagatan ang mga lansangan, o maging pansamantalang tirahan ang mga evacuation center?
Kulang pa ba ang ating pagkairita na habang may mga mamamayang sadlak sa dusang dulot ng baha ay patuloy sa pagpapakasasa ang mga maykaya na ipinagwawalang-bahala ang sakuna ng iba?
Palagi na lang bang may kasutilan at kakulangan sa kusa at disiplina ukol sa ’di maubos at walang pakundangang pagtatapon ng samu’t saring basura na nakababara sa mga imburnal at drainage system?
Ipauubaya na lang ba natin sa kapalaran ang pag-iwas sa maaaring maging sakit tuwing tag-ulan, gaya ng leptospirosis o dengue, pati ng tetano at lagnat o trangkaso?
Hinog na hinog na ang panahon para seryosohin ang pagharap at paglunas sa matagal nang sakit ng lipunang ito. Matauhan na tayo nang malawakan at masinsinan upang ang kinabukasan — kundi man natin ay ng susunod na mga henerasyon — ay bahain hindi ng tubig-ulan o luha kundi ng kaligtasan, kaligayahan at kalidad ng buhay.
Ang mga sangkot sa gobyerno, malipol nawa kayo. Bawat Pilipino, ipaglaban ang Pilipinas mula sa kasalaulaan ng mga nagpapabaya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments