top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Kauna-unahang timpalak sa tulang senyas, sinimulan ng KWF!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 1, 2023
  • 2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | Pebrero 1, 2023



Hello, Bulgarians! Sinimulan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Timpalak sa Tulang Senyas, ang kauna-unahang patimpalak sa pagtula sa pasenyas na paraan sa buong Pilipinas. Itinataguyod ito ng KWF na naglalayong palaganapin ang Filipino Sign Language (FSL) bilang tunay na wika, pagsulong ng Filipino deaf culture sa pamamagitan ng panitikan, kilalanin at bigyang-puwang ang hindi matatawarang kakayahan at husay ng mga kababayang bingi, at makapag-ambag sila sa panulaang Filipino ng kanilang obra sa pamamagitan ng pasenyas na pagtula.


Bukas ang timpalak sa lahat ng mga Filipino citizen na matatas sa FSL, babae man o lalaki sa buong mundo, maliban sa kawani na ng KWF at kanilang mga kaanak. Maaaring lumahok sa isa sa dalawang kategorya ng timpalak, ang Bingi o Hard-of-Hearing at Hindi Bingi.


Ang entring ipapasa ay isang tulang senyas na hindi bababa sa dalawampu’t apat na taludtod o linya at hindi lalagpas sa apatnapung taludtod o linya. Kinakailangang may pamagat ang ipapasang koleksyon. Ang paksa ng tula ay salig sa tema ng Buwan ng Panitikan 2023 na “Kultura ng Pagkakaisa: Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Panitikan.” Ang ipapasang tula ay malaya (walang tugma at sukat).


Ang lahok ay kailangang orihinal at isesenyas gamit ang Filipino Sign Language (FSL), hindi salin ng nalathala nang tula, at hindi pa nasesenyas at nalalathala sa alinmang platform. Ang sinumang mahuli at mapatunayang nagkasala ng pangongopya ay kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nito sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.


Ang huling araw ng pagsusumite ng lahok ay sa ika-13 ng Pebrero 2023, alas-5:00 ng hapon. Hindi na mauurong ang araw ng pagsusumite.


Para sa karagdagang detalye, mag-text o tumawag sa 0928-844-1349 o mag-email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page