Katiwalian sa BFP, mas malala pa sa PNP
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 20, 2025

Sa ahensiyang inaasahan ng tao sa oras ng sunog at sakuna, dito pa raw pinakamaraming nangyayaring kalokohan. Sa mga ganitong eksena, sino pa kaya ang ating lalapitan?
Hindi biro ang sinabi ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol sa Bureau of Fire Protection.
Para sa karaniwang mamamayan, masakit isipin na kung sino pa ang nararapat na nag po-protekta sa taumbayan, siya pa pala ang nananamantala sa lipunan.
Ayon rito, mas malala pa raw ang korupsiyon sa BFP kesa sa Philippine National Police. Hindi ito basta opinyon lamang, kundi base sa malawak na imbestigasyon ng DILG. Dito niya nakita na ang problema ay hindi lang iilan, kundi halos buong sistema. Mula sa mga bagong pasok hanggang sa matataas na opisyal, may bahid umano ng katiwalian.
Isa sa mga nakabibigla ang isiniwalat na bentahan ng posisyon sa ahensya. May mga aplikanteng pinagbabayad umano ng hanggang P500,000 para lang makapasok bilang bumbero.
Sa ating bansang maraming gustong magtrabaho at maglingkod, malinaw na hindi kakayahan ang basehan kundi pera. Ang kawawa rito ay ang publiko, dahil ang nakapapasok ay hindi ang may malasakit, kundi ang may pambayad.
Bukod dito, binanggit din ng opisyal ang paniningil sa fire inspection fees na sobra-sobra ang presyo. Meron ding bentahan ng fire extinguisher at fire sprinkler system na mas mahal nang apat o limang beses kaysa sa tamang halaga. Ang mga gastusing ito ay diretso umanong ipinapasa sa maliliit na negosyo, ordinaryong pamilya, at mga nagnenegosyo para lang mabuhay araw-araw.
Hindi rin sinang-ayunan ng kalihim ang panukalang obligahin ang lahat ng bahay na magkaroon ng fire extinguisher. Para sa kanya, malinaw na may bahid ito ng negosyo at hindi tunay na malasakit sa kaligtasan ng publiko.
Dagdag pa ng opisyal, kilala na ng pamahalaan kung sinu-sino ang sangkot sa mga anomalya. Sinabi niyang sisibakin ang mga tiwaling opisyal at magsasampa ng kaso simula Enero. Mahalaga ito, pero hindi sapat kung pansamantala lang. Kailangang tuluy-tuloy ang paglilinis upang hindi na maulit ang ganitong sistema.
Ang isyung ito ay hindi lang tungkol sa BFP kundi tungkol sa tiwala ng taumbayan. Kapag ang serbisyong pangkaligtasan ay ginawang pagkakakitaan, buhay ang kapalit. Panahon na para patunayan ng gobyerno na ang uniporme ay simbolo ng serbisyo, hindi lisensya sa pananamantala. Ang masa ay hindi dapat masunog sa apoy ng korupsiyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments