Eksepsyon sa paggkuha ng marriage license
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 4, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang aking nobyo at ako ay nagpaplanong magpakasal sa susunod na taon, at kami ay nasa isang relasyon na nang mahigit walong taon. Paminsan-minsan ay sa kanyang bahay ako tumutuloy. Kinakailangan pa ba naming kumuha ng marriage license, o kami ba ay exempted na o hindi na kailagan kumuha nito alinsunod sa ating batas? Maraming salamat sa inyong tugon. – Idang
Dear Idang,
Alinsunod sa ating batas, kinakailangan na ang mga magkasintahan ay kumuha ng marriage license bago sila magpakasal. Ganoon pa man, may mga eksepsyon sa patakarang ito sa ilalim ng ilang partikular na sitwasyon. Ang pangkalahatang layunin ng pag-aatas ng marriage license ay upang matiyak na ang mga partido ay may ligal na kakayahang magpakasal, maiwasan ang mga bigamous o ilegal na kasal, at itaguyod ang maayos na pampublikong polisiya kaugnay ng institusyon ng pag-aasawa.
Isa sa mga pormal na rekisito ng kasal ay ang pagkakaroon ng marriage license alinsunod sa Artikulo 3 ng Family Code ng Pilipinas. Patungkol naman sa mga eksepsyon sa pagkuha ng marriage license, ang mga sitwasyon na ito ay nakasaad sa Artikulo 27, 28, 31, 32, 33, at 34 ng naturang Code. Partikular na nakasaad sa Artikulo 34 ng parehong batas na:
“Art. 34. No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. The solemnizing officer shall also state under oath that he ascertained the qualifications of the contracting parties are found no legal impediment to the marriage.”
Sa kasong Niñal vs. Bayadog (G.R. No. 133778, 14 Marso 2000), na isinulat ni Kasamang Mahistrado Consuelo Ynares-Santiago), ipinaliwanag nang masinsinan ang limang taong kinakailangang pagsasama ng mag-asawa na walang anumang ligal na hadlang upang magpakasal sa isa’t isa. Nakasaad sa nasabing kaso na:
“This 5-year period should be the years immediately before the day of the marriage and it should be a period of cohabitation characterized by exclusivity - meaning no third party was involved at any time within the 5 years and continuity - that is unbroken. Otherwise, if that continuous 5-year cohabitation is computed without any distinction as to whether the parties were capacitated to marry each other during the entire five years, then the law would be sanctioning immorality and encouraging parties to have common law relationships and placing them on the same footing with those who lived faithfully with their spouse. Marriage being a special relationship must be respected as such and its requirements must be strictly observed.”
Sa sitwasyon ninyong magkasintahan, kinakailangan ninyong kumuha ng marriage license sapagkat wala sa inyong kalagayan ang nagpapakita na kayo ay namuhay bilang mag-asawa sa loob ng limang taon. Bagama’t kayo ay nasa isang relasyon na nang mahigit walong taon, hindi nito natutugunan ang rekisito ng pagsasama sa ilalim ng Artikulo 34 ng Family Code, na nagtatakda na ang panahon ng pagsasama ay dapat may eksklusibidad at tuluy-tuloy na pamumuhay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments