top of page
Search
  • BULGAR

KATHRYN, PINAYUHAN NG MADIR NA SABIHAN SI DANIEL NA MAG-IPON

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 26, 2023




“Anak, hindi ko na problema ‘yun! Ang pinakamaganda, magharap-harap kaming tatlo ng kaibigan niya na pinagsabihan niya. ‘Yun lang!” mensahe sa amin ni Nanay Cristy Fermin nang hingan namin siya ng reaksiyon dahil itinanggi ni Karla Estrada na sinabi niyang hiwalay na ang KathNiel.


Sa Showbiz Now Na YouTube channel nina ‘Nay Cristy, Wendell Alvarez at Romel Chika ay ini-report nilang hiwalay na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo base sa kuwento ni Karla sa kanyang kaibigan.


Ayon kay ‘Nay Cristy, “Kami pong tatlo (Romel Chika at Wendell) ay maninindigan na hiwalay na po talaga si Daniel Padilla at si Kathryn Bernardo. Umamin na po si Karla Estrada sa isa niyang kaibigan na wala na, tapos na!


“Ang tanong na lang natin ay kailan ito naganap? Hindi po namin iko-quote si Karla Estrada dahil hindi namin siya nakausap nang personal. Ang amin pong mga sasabihin ay mga posibilidad na pipiliin na lang po natin kung alin sa mga sasabihin naming dahilan at katwiran kung bakit nagkahiwalay ang mahigit isang dekada nang magkarelasyon na Kathryn at Daniel.”


Sabi naman ni Wendell na isa raw sa mga dahilan ng gusot ay ang sabi raw ng Mommy Min Bernardo kay Kathryn na payuhan si Daniel na magtabi na para sa future nito lalo’t nasubukan nilang mawalan ng trabaho noong kasagsagan ng COVID 19 pandemic.


“Sabi pa raw ni Mommy Min (kay Kathryn) na kunin ni Daniel ang bank book sa nanay niya,” sabi ni Wendell.


Si Daniel raw kasi ang bumubuhay sa buong pamilya nito pati na ang kani-kanilang mga driver at kapag may mga kaanak daw si Karla na lumuluwas galing ng probinsya ay sa bahay nila tumutuloy na ang ibig tukuyin ni Wendell ay dagdag-gastos on DJ’s part.


Binigyan naman ng katwiran ni Nanay Cristy ang puntong si Karla ang may hawak ng kita ng anak.


“Kukunin ang bankbook sa nanay? Ako naman, bibigyan ko ng katwiran na noong walang-wala ang pamilyang ito ay alam naman natin na solong pinalaki ni Karla ang kanyang mga anak lalo na si Daniel, ang kanyang kapatid na inaanak ko, si Carlito na anak nila ni Naldy (Padilla).


“Nakita ko at nasubaybayan ko na talagang hirap na hirap sila sa buhay. At ngayong dumating na ‘yung pagkakataong sumikat si Daniel Padilla at nabigyan din si Karla ng pagkakataong mag-host ng Magandang Buhay ay kumikita na.


“Ako man din siguro na matagal na panahong hindi nakatulong sa aking pamilya ay sasamantalahin ko na ang pagkakataon para mapasaya ko sila ng maaari kong ibigay at walang masama po at hindi po ‘yun krimen.


“Si Daniel naman ay siya naman po ang nagtatrabaho, siya ang nagpapakahirap (at) kung meron mang hilig sa sasakyan ‘yung bata ay ibibigay ‘yun talaga ng magulang, ni Karla kasi nabuhay naman ‘yung bata na wala naman talaga. Regalo sa kanyang sarili (DJ) sa pagtatrabaho.”


Sabi pa, hindi raw dapat isinusumbat ang lahat ng ginagastos ni Daniel sa pamilya niya.


O baka may ibang dahilan ng hiwalayan?


“Posible kaya na nagising na lang sila isang araw na hindi na nila mahal ang isa’t isa?” pahayag ni ‘Nay Cristy.


Samantala, nanatiling tahimik ang KathNiel sa usaping hiwalayan kahit na pati supporters nila ay nakikiusap na magsalita na sila para mapanatag ang kalooban ng lahat.


Sabi nga ni ‘Nay Cristy, “Utang na loob nina Daniel at Kathryn sa kanilang mga tagahanga ang pagpapaliwanag dahil sila ‘yung baitang ng hagdan na inakyatan nila (KathNiel) sa tagumpay kahit pa sabihing pribado na ito ng kanilang buhay ay mayroon pa rin silang dapat ipaliwanag sa mga taong nagluklok sa kinaroroonan nila ngayon.”


Sa paniniwala rin ng SNN hosts ay ilang buwan nang hiwalay sina Daniel at Kathryn na nagsimula ito nang magbago ng imahe ang aktres dahil nagpakita na ito ng skin sa mga pictorials, nagsuot na ng skimpy bikini at iba pa. Dahil kung sila pa raw ng aktor ay malamang na hindi siya pinayagan nito dahil kilala itong konserbatibo.


Anyway, bukas ang BULGAR sa panig ni Karla sa hamon ni ‘Nay Cristy na magharap silang tatlo kasama ang kaibigang pinagkuwentuhan niya na hiwalay na ang KathNiel.

 


Last month lang pala lumipat si Arnold Rei dela Cruz na kilala ring DJ Poy sa Radyo5 TRUE FM na kung saan binigyan agad siya ng sariling radio program, ang 'Heart-2-Heart'.


Kaya masayang-masaya siya dahil kasama na niya uli sa istasyon ang isa sa mga itinuring na mentor na si DJ Laila Chikadora.


Kuwento nga ni DJ Laila, "Na-excite din ako, pero ayaw ko muna siyang i-message, ginawa ko na lang ‘yun ilang days bago siya sumalang."


Sagot naman ni DJ Poy, "Ang plano ko kasi, gulatin na siya na, 'Mare, nandito na ‘ko, pero alam na pala niya."


Labingwalong taon na si Arnold sa radio industry dahil nagsimula siya noong 2005 sa DWRR.


Pagbabalik-tanaw pa niya, "Noong nag-aaral pa ako ng college, ang gusto ko talaga, magtrabaho sa likod ng camera.


"I took up Mass Communication major in Broadcasting. Kaya ang tinatrabaho ko ay ang scriptwriting at paghawak ng camera.


"And then, nakalimutan ko na, noong bata ako, mahilig ako sa mga radio shows na katulad ni Deo Macalma. ‘Yun ang pinakikinggan ko, bukod sa pag-abang ng balita, 'yung mga blind items ni Sir Deo, na ayon sa kanyang mga bubwit… Aliw na aliw ako sa pangingiliti niya, kasi it tickles your mind.


"Doon ko naalala na gusto kong magtrabaho sa TV, pero itinutulak ako sa radyo.


“Nag-apply ako sa DZBB bilang field reporter, natanggap naman kami, dalawa kami noon. Pero sa training pa lang, umayaw na ako.


"And then, dumating ang DWRR, pasok din naman agad. Pero dito pinag-igi ko na kasi it’s an FM, mas bata ang mga audience. For 18 years, since 2005, ganu’n ang ginagawa ko.


"Saka that time, nakikita ko ang sarili ko na mas patawa at sa entertainment. Nasa morning ka, nanggigising, sa evening naman, nag-e-entertain ka, na hindi masyadong seryoso.


"'Yun talaga ang gusto kong iwasan, ayoko na masyadong seryoso, sa totoo lang. Pero dahil sa mga nagko-comment, I need to explore, sinubukan kong seryosohin ang pag-a-advice, kahit mabigat ang loob ko.


"Hanggang sa natutunan ko na siyang mahalin, na ‘pag sineryoso ko pala ang sasabihin ko na. Sometimes kasi dalang-dala ka rin ng mga kuwento. Hindi mo naman puwedeng gaguhin ‘yun at gawing katatawanan.


"It is your responsibility rin na bigyan sila ng avenue at magandang response."


Ano nga ba ang istilo niya sa pagbibigay ng advice, "There's no template sa pagbibigay ng advice," sabi niya.


"We heard some personalities before sa radio na masyado rin naman aggressive. I'm not aggressive. I don't have to be aggressive. Doon lang ako sa assertive na may respeto pa rin. You have to be responsible sa pag- broadcast."


Dagdag pa ni DJ Poy, "I love this job. I realized being on the radio was flexible, entertaining, and satisfying. It's not about the price but what you can contribute to your listeners. Dapat passionate and dedicated ka sa ginagawa mo."


Samantala, may handog na “12 Gifts of TRUE Christmas” ang newly-awarded Best Radio Station ng bansa, ang Radyo5 TRUE FM, bilang maagang pamasko para sa mga listeners.


Sinimulan ito sa launch ng mga bagong programang layunin ang maging safe space ng mga listeners para sa mga heartfelt conversations at mga payo mula sa mga pinagkakatiwalaang radio hosts.


Inaanyayahan ang lahat na mag-tune in sa 92.3 Radyo5 TRUE FM para magbahagi ng kanilang daytime thoughts at makisali sa makabuluhang usapan araw-araw, mula 12NN hanggang 1:00PM.





0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page