ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 29, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang pinsan ko ay walang pormal na trabaho at nagsa-sideline lamang. Kamakailan ay kinontrata siya ng isa niyang dating katrabaho upang ibenta ang maliit na lupa na minana nito, kapalit ang P20,000.00. Pumayag ang pinsan ko. Noong magkita silang muli sa isang inuman, sinabi diumano ng kanyang dating katrabaho na magbibigay ito ng karagdagang P20,000.00 kung “lulumpuhin” diumano ng pinsan ko ang nakaalitan nito na kapitbahay. Nitong nakaraang araw lamang ay naibenta na ng pinsan ko ang nasabing lupa at nang singilin na niya ang kanyang dating katrabaho para sa ipinangako nitong P20,000.00, sinabi diumano nito na wala siyang obligasyon sapagkat hindi naman diumano tinupad ng pinsan ko na “lumpuhin” ang kapitbahay nito. Wala bang karapatan ang pinsan ko na igiit ang nauna nilang napagkasunduan? May bisa at kailangan ba talagang tuparin muna ng pinsan ko ang pananakit na pinagagawa sa kanya gayong labag iyon sa batas? Sana ay malinawan ninyo ako. -- Archie
Dear Archie,
Ang isa sa mga pinagmumulan ng obligasyon ay ang kontrata sa pagitan ng mga partidong nagkasundo. Kinakailangang tumalima ang mga partido sa kanilang napagkasunduan sapagkat ang kontrata ay nagsisilbing batas sa kanilang pagitan. Ito ay alinsunod sa Artikulo 1159 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 1159. Obligations arising from contracts have the force of law between the contracting parties and should be complied with in good faith.”
Bagaman may kalayaan ang mga partido na magkasundo ukol sa mga kondisyon at tuntunin na mapapaloob sa kanilang kontrata, hindi sila maaaring magkasundo ng mga bagay o gawain na taliwas sa batas, moralidad, tamang kostumbre, pampublikong kaayusan, at pampublikong polisiya. Alinsunod sa Artikulo 1306 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.”
Nais din naming bigyang-diin na ang mga kondisyon na imposible, taliwas sa tamang kostumbre o pampublikong polisiya, at labag sa batas ay nagpapawalang-bisa sa mga obligasyon na dumedepende rito. Ganunpaman, kung ang kabuuang obligasyon na napapaloob sa kontrata ay nahahati, ang bahagi na hindi dumedepende sa nasabing imposibleng kondisyon ay mananatiling balido at dapat tuparin. Batay sa Artikulo 1183 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 1183. Impossible conditions, those contrary to good customs or public policy and those prohibited by law shall annul the obligation which depends upon them. If the obligation is divisible, that part thereof which is not affected by the impossible or unlawful condition shall be valid.
The condition not to do an impossible thing shall be considered as not having been agreed upon.”
Sa sitwasyon ng iyong pinsan, mababanaag na mayroong dalawang bahagi ang kanyang kasunduan sa kanyang dating katrabaho: ang una ay tumutukoy sa bentahan ng lupa at ang ikalawa ay ang pananakit ng tao. Kung sadyang tinupad na ng iyong pinsan ang kanyang obligasyon na ibenta ang naturang lupa, maaari niyang igiit ang kanyang karapatan na mabayaran ng napagkasunduang halaga na P20,000.00.
Para naman sa bahagi ng kanilang kontrata patungkol sa pananakit ng tao, hindi ito kinakailangan na tuparin ng iyong pinsan sapagkat labag sa batas ang kondisyon na itinakda ng kanyang dating katrabaho. Ang pananakit ng tao ay labag sa batas, partikular na sa ilalim ng Artikulo 263, 264, 265 at 266 ng ating Revised Penal Code (RPC) na tumutukoy sa iba’t ibang uri ng krimen na physical injuries. Kung ang pananakit ay humantong sa higit na seryosong sitwasyon ay mayroong kaparusahan sa iba pang bahagi ng RPC.
Sapagkat hindi dumepende sa katuparan ng nabanggit na ikalawang kondisyon ang unang bahagi ng kasunduan ng iyong pinsan at ng kanyang dating katrabaho na tumutukoy sa bentahan ng lupa, maituturing na divisible o nahahati sa dalawa ang kabuuang kontrata. Kung kaya, bagaman walang bisa ang ikalawang bahagi ng kanilang kasunduan dahil labag sa batas ang kondisyon dito, nananatili namang balido ang unang bahagi ng kanilang kasunduan at kinakailangang tumalima ng dating katrabaho ng iyong pinsan sa kanyang obligasyon na magbayad ng halagang napagkasunduan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments