Kaso ng ilegal na droga sa bansa, sunud-sunod na naman
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 26, 2021
Nitong nagdaang mga linggo ay halos puro ilegal na droga ang laman ng mga balita at ang nakaaalarma, tila hindi apektado ang publiko kahit sunud-sunod at milyun-milyong halaga na ang nasasakote ng ating pamahalaan.
Habang pansamantalang sinuspinde ng International Criminal Court Office of the Prosecutor ang imbestigasyon sa mga krimeng may kaugnayan sa war on drugs ay hindi naman tumitigil ang mga nasa likod nang pagpapakalat ng ilegal na droga sa bansa.
Sa tingin natin, tila mas lumakas pa ang loob ng mga drug lord sa kabila nang napakainit na usapin hinggil sa ilegal na droga na kahit ang mga kumakandidato sa mataas na posisyon ay kinakailangan pang sumailalim sa drug test para makaiwas sa kontrobersiya.
Hindi ba’t isang 23-anyos na babae mula sa Navotas City ang kahuhuli lang sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) sa Malabon City at nahulihan ito ng mahigit sa P13 milyong halaga ng shabu.
Sa murang edad ng nasakoteng babae ay nakuha sa pag-iingat nito ang dalawang malaking Chinese tea bag at isang knot tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang sa 2 kilo at 50 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P13,940,000.
Aabot naman sa 65 milyong halaga ng iba’t ibang ilegal na droga ang nakumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa dalawang naarestong indibidwal kabilang ang isang Amerikano sa Quezon City.
Sa ginawang pagsalakay ng operatiba sa isang bahay sa Teachers Village na pag-ari umano ng retired servicemen ng US Air Force ay nakumpiska ang ilang ecstasy na may kabuuang 27,334 tablets, shabu, cocaine, kush, marijuana sticks, chemicals, laboratory equipment at drug paraphernalia.
Ayon sa pahayag ng NBI, ang mga salarin ay pinaniniwalaang gumagawa ng isang uri ng pinalakas na ilegal na droga na pinagsama-samang pulverized ecstasy sa methamphetamine at cocaine upang makagawa ng bagong party drug para sa kanilang kliyente.
Apat na salarin din ang nasakote sa San Jose Del Monte, Bulacan sa ikinasang buy-bust operation ng PNP at na-recover sa kanilang pag-iingat ang may P170, 000 halaga ng shabu.
Matatandaang kamakailan ay nagsagawa ng pinagsanib na operasyon ang elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 3, Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Quezon City Police District, at ang Bureau of Customs (BOC) ng Clark.
Isang babae na naman ang nasakote na nag-iingat ng mahigit sa P17 milyong halaga ng ecstasy tablets nang salakayin ang pinagkukutaan nito sa Bgy. Tatalon, Quezon City na siya umanong responsable sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Kasalukuyan namang pinipiga ng maykapangyarihan ang isang arestado kung saan nanggaling ang nasakote sa kanyang pag-iingat na 5.3 milyong halaga ng cocaine nang salakayin ng operatiba ng PNP at PDEA ang kanyang lugar sa Bgy. Sipangkot, Sitangkai, Tawi-Tawi.
Ang pagkakasakote sa salarin na armado ng M16 rifle ay dahil sa maigting na pagbabantay sa mga laylayan at pagitan ng mga bulubunduking bahagi ng naturang lugar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Coast Guard (CG) dahil sa posibleng dito idinadaan ang mga smuggled cocaine mula sa ibang bansa.
Sa kabilang banda, tila epektibo naman ang pangunguna ng Department of Justice (DOJ) na pagsamahin ang puwersa ng PNP at ng NBI sa kani-kanilang operasyon laban sa ilegal na droga kabilang na ang pagbibigayan ng mahahalagang impormasyon laban sa galaw ng masasamang loob.
At sa katunayan, nagkaroon pa ng Memorandum of Agreement (MOA) and pamunuan ng PNP at NBI hinggil sa privacy at seguridad sa lahat ng confidential, privileged, personal, o sensitibong impormasyon na lalahukan ng kani-kanilang opisyal, operatiba, empleyado o agent.
Ayon naman sa Department of Interior and Local Government (DILG), ang ating mga operatiba ay nakasakote ng kabuuang P155.3 milyong halaga ng ilegal na droga sa loob lamang 12-araw at ito ay mula lamang noong Oktubre 18 hanggang Oktubre 30.
Umabot sa 2,664 ang naaresto at nasampahan ng kaso samantalang nasa 66 naman ang kusang sumuko at hindi pa kasama ang huling operasyon sa Nobyembre na milyun-milyong halaga rin ng ilegal na droga ang nasakote.
Ganyan kalaki ang problema natin sa ilegal na droga na kahit anong pagsisikap ng pamahalaan na pigilan ang pagpasok nito sa bansa ay patuloy pa rin ang milyun-milyong operasyon at maging ang mga dating small time pusher ay milyun-milyong halaga na rin ang hinahawakan.
Lalo ngayong panahon ng Kapaskuhan ay ramdam na ramdam, na naglipana ang ilegal na droga sa merkado, hindi lamang sa mga eskinita nakabibili dahil maging ang bentahan online gamit ang social media ay talamak na.
May mga termino lamang na ginagamit ang mga ‘tulak’ ng ilegal drugs na sila-sila lang ang nagkakaintindihan kaya kahit mabasa o makita ng ordinaryong indibidwal na walang kinalaman sa ilegal na droga ay hindi mapapansin.
Habang isinusulat natin ang artikulong ito, isang mister na naman ang nahulihan ng shabu na inilagay niya sa tupperware kahalo ng ulam para ibigay sa kanyang misis na nakakulong sa Quezon City Jail dahil din sa kasong ilegal na droga.
Ganyan na karami ang bawal na gamot sa lansangan, kaya dapat dagdag-pagsisikap pa para sa ating mga operatiba para hindi magtagumpay ang mga drug lord na ipahamak ang ating kabataan!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments