ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | August 22, 2024
Ang Agosto ay Buwan ng Kasaysayan, na itinakda sa pamamagitan ng Proclamation No. 339, s. 2012.
Ang napiling tema para sa komemorasyon ng Buwan ng Kasaysayan ngayong taon ay “Salaysay ng Bayan, Saysay ng Bansa (Stories of the People, Essence of the Nation).”
Mahalagang maging pamilyar tayo sa ating kasaysayan upang matuto tayo sa mga aral nito.
Sa mas praktikal na pagtingin, mahalaga para sa pamahalaan na pag-aralan ang kasaysayan upang hindi maulit ang mga maling desisyon at polisiya, o kaya ay para mapabuti pa ang mga napagtagumpayan na.
☻☻☻
Hinihikayat natin ang ating mga kababayan na makilahok sa iba’t ibang aktibidad na isinalang ng National Historical Commission of the Philippines para pukawin ang ating interes sa mga kuwentong nagbibigay saysay sa ating karanasang pambayan.
Magandang activity din para sa buong pamilya na dumalaw sa mga museo at iba pang makasaysayang lugar sa ating mga bayan-bayan upang mas makilala rin natin ang ating sariling mga komunidad.
May malaking papel ang ating kasaysayan sa buhay natin mismo. Masaya at interesante ring galugarin ang kasaysayan ng ating mga pamilya, halimbawa sa pagtanong kung paano ba ang naging buhay ng ating mga ninuno sa panahon ng digmaan at iba pang sakuna, halimbawa.
Madalas, nadidiskubre natin na may kagitingan at kabayanihang nagawa ang ating mga ninuno, na hindi man alam ng buong mundo ay nakatulong pa rin sa pagpapaganda o pagpapagaan ng buhay ng kanilang kapwa.
Madidiskubre natin na tunay na nasa dugo natin ang pagiging bayani.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments