ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Dec. 5, 2024
Pumanaw na ang una at tanging Muslim Filipina senator ng bansa.
Inanunsyo ng kanyang pamilya na noong Nov. 28, sumakabilang-buhay na si former Senator Santanina Tillah Rasul sa edad na 94.
Nagsilbi si dating Sen. Rasul mula 1987 hanggang 1995, at nagsulong siya ng mga batas na nagbigay-daan upang mas malayang makilahok ang mga kababaihan sa pagbuo ng bansa.
☻☻☻
Isa sa mga mahahalagang batas na naipasa dahil sa pagsisikap ni ex-Sen. Rasul ay ang Republic Act No. 7192 o ang Women in Development and Nation-Building Act na nagpahintulot sa mga kababaihan na pumasok sa Philippine Military Academy at sumabak sa mga combat roles.
Naging sponsor din siya ng batas na nagdeklara ng March 8 bilang National Women’s Day.
Malaki rin ang naging papel ni ex-Sen. Rasul bilang miyembro ng government peace panel sa matagumpay na peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front.
☻☻☻
Sa panahon na nagkaroon tayo ng unang babaeng pangulo, nagsumikap si former Sen. Rasul, kasama si Sen. Leticia Ramos-Shahani, upang manatiling bukas ang pinto at mas marami pang kababaihan ang makapag-ambag at maglingkod sa bayan.
Patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa aming mga babaeng senador ang halimbawa ni yumaong Sen. Rasul. Umaasa kaming mas marami pang kababaihan ang mapukaw ang damdamin sa kuwento ng kanyang buhay.
Maraming salamat sa buong buhay na paglilingkod, Senator Santanina Tillah Rasul.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay