top of page

Kasal ng anak na walang pagpayag ng magulang

  • BULGAR
  • Nov 29, 2021
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 29, 2021


Dear Chief Acosta,


Ikinasal ang pamangkin ko sa kanyang nobya noong siya ay 19 na taong gulang pa lamang. Nagawa ng pamangkin ko na itago sa mga magulang niya ang kanyang kasal dahil alam niyang tutol sila sa kaniyang nobyang pinakasalan. Nang nalaman ng kapatid ko ang pagpapakasal ng kanyang anak ay agad niyang sinabihan ito na siya mismo ang magpapawalang-bisa sa patagong kasal niya. Sinagot diumano siya nang pabalang ng pamangkin ko at sinabing wala silang magagawa dahil nasa sa kanya kung ipapuputol niya ang kasal. Dahil dito ay nais sana namin humingi ng payo kung maaari nga ba na mapawalang-bisa mismo ng ina ng pamangkin ko ang naging kasal ng kanyang anak? – Colby


Dear Colby,


Nakasaad sa Family Code of the Philippines ang mga batayan para mapawalang-bisa ang kasal. At kaugnay sa inyong inilalapit na sitwasyon, nakasaad sa batas na ang kawalan ng pahintulot ng magulang sa pagpapakasal ng anak na nasa edad labing-walo (18) hanggang bago mag-dalawampu at isang (21) taong gulang ay isa sa mga maaaring dahilan para mapawalang-bisa ang kasal. Ayon sa batas:


“Art. 45. A marriage may be annulled for any of the following causes, existing at the time of the marriage:


(1) That the party in whose behalf it is sought to have the marriage annulled was eighteen years of age or over but below twenty-one, and the marriage was solemnized without the consent of the parents, guardian or person having substitute parental authority over the party, in that order, unless after attaining the age of twenty-one, such party freely cohabited with the other and both lived together as husband and wife;xxx” (Article 45, Family Code of the Philippines)


Sinasabing kailangan ang pahintulot ng magulang ng mga taong nasa ganitong edad dahil ipinagpapalagay na hindi pa nila taglay ang nararapat na antas ng pag-iisip na kailangan sa pagpapakasal. (Sta. Maria, Persons and Family Relations, 2004) Dahil dito, ang pagpapakasal ng inyong pamangkin ay maaaring makuwestiyon dahil sa kawalan ng kinakailangang pahintulot ng magulang para sa edad nila.


Patungkol naman sa kung maaaring ang inyong kapatid, na ina ng inyong pamangkin, ang siya mismong magsasampa ng aksiyon sa pagpapawalang-bisa ng kasal ng inyong pamangkin, sinasabi ng batas na:


“Art. 47. The action for annulment of marriage must be filed by the following persons and within the periods indicated herein:


(1) For causes mentioned in number 1 of Article 45 by the party whose parent or guardian did not give his or her consent, within five years after attaining the age of twenty-one, or by the parent or guardian or person having legal charge of the minor, at any time before such party has reached the age of twenty-one;xxx”


Makikita sa nabanggit na probisyon ng batas na ito na ang mga magulang o legal na tagapangalaga ay maaaring magsampa ng nasabing kaso hanggang bago mag ika-dalawampu at isang taong (21) gulang ang panig na walang pahintulot ng magulang. Matapos ang panahong ito ay itinuturing na paso na ang pagsasampa ng karampatang aksyon para sa basehan na ito. Dahil dito, ang legal na karapatan sa pagsasampa ng aksiyon para sa sitwasyon ng inyong pamangkin ay hindi lamang nasa sa taong ikinasal kundi pati sa magulang nito hanggang umabot sa nabanggit na edad.


Mula sa nabanggit na paliwanag, makikita na maaaring ang kapatid ninyo mismo ang maghain ng kaso sa pagpapawalang-bisa ng kasal ng kanyang anak bago ito magdiwang ng ika-dalawampu at isang (21) taong kaarawan niya.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


1 Comment


allew_0614
Nov 29, 2021

dear chief acosta

gusto ko poh snang itanong kung may karapatan po b kami dun sa open space n nsa tapat ng aming bahay sa isang subdivision...gwa poh kc tinatayuan n poh ng ktbing bhy nmin yung tpat nmin ng garahe nla...pg nngyri po yun at mkbili kmi ng sasakyn kmi nmn poh ang mwwalan ng space...end row n po cla kya may srili n clang garahe...smantlang kmi po yung tpat lng poh nmin ang mgi2ng space nmin...gusto ko poh snang mlman ang mga karapatan ko poh...isinangguni n po nmin ito s home owners pero bias poh cla s kpitbhy nmin...sna poh mbgyn nio poh ng linaw ang lht...maraming salamat...

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page