KARLA, PINALABAS NA SINUNGALING SI CRISTY SA BREAKUP NG KATHNIEL, PAHIYA
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 3, 2023

Kahapon nang tanghali lang namin napanood ang Friday episode ng Cristy Ferminute nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika sa Radyo 5 92.3 TRUE FM kung saan diretso niyang sinabing vindicated sila ni Ogie Diaz sa ibinalita nilang hiwalay na ang KathNiel.
Nang ibalita kasi ni Ogie na hiwalay na nga sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa kanyang Showbiz Update YouTube channel na sinegundahan din ni ‘Nay Cristy sa CFM dahil ang source naman niya ay ang mismong taong pinagkuwentuhan ng ina ni Daniel na si Karla Estrada na hiwalay na nga ang anak kay Kathryn, pawang masasakit na salita ang ibinato kina Ogie at ‘Nay Cristy.
Kung naging mahina siguro sila ay baka nagkasakit sila dahil sa mga nababasa nila araw-araw mula sa ibang supporters ng KathNiel na masasabing ayaw tanggapin ang katotohanan.
May iba namang KathNiel supporters na tanggap nila ito dahil hindi naman maglalakas-loob na magbalita sina ‘Nay Cristy at Ogie kung wala silang resibo.
Sabi nga ni ‘Nay Cristy, “Kami po ni Ogie Diaz ang nalagay sa alanganin tungkol sa breakup na ito. Alam n’yo naman po, mga kapatid, kapag wala po akong resibo na hawak at hindi ko po kumpleto ang impormasyon, hindi po lalabas ang aking mga salita sa aking bibig.
“Ako po ay naglakas ng loob na sabihin dito sa CFM at sa SNN na hiwalay na talaga sila (KathNiel) nang matagal nang panahon, hindi lang po kahapon, hindi lang po nu’ng isang araw, hindi lang nu’ng isang linggo dahil kumpleto po ako ng detalye.
“Pinalabas po akong sinungaling ni Karla Estrada, ‘yung mga pinakaing salita po sa akin ng mga KathNiel (at) supporters, kaya ko pong tanggapin ‘yan. Minsan isang panahon, ako’y naging tagahanga rin, alam ko kung gaano kasakit ang mga iniidolo nilang artista ay nagkahiwalay, totoo po ‘yan, ipagluluksa po talaga.
“Pero sana, naisip ni Karla Estrada ang tanging puhunan ko po sa trabahong ito, sa aking propesyon ay kredibilidad. Hindi ko po ito tinrabaho nang magdamag lamang, isang linggo, isang buwan, isang taon, isang dekada. Apat at limang dekada po halos pinagtrabahuhan ang titulong ito, ang kredibilidad na ito para wasakin ng isang tao sa isang iglap lamang.
“Ngayon, lumabas na ang katotohanan, ano ang aking aasahan? Dapat dito, matuto siyang tumanggap ng kamalian! Hindi ako humihingi ng pagdispensa mula kay Karla kahit sa mga KathNiel, lawakan n’yo lamang po ang inyong isip, puso at paghusga sa mga bagay-bagay habang hindi pa ninyo nalilinawan ang lahat ng pangyayari.”
Masakit ang loob at naging emosyonal si ‘Nay Cristy habang ipinagtatanggol si Ogie.
“Kapag si Ogie ang kinalaban, pinakasensitibo ako dahil hindi n’yo nakita ang kanyang pagsisimula.”
Open book naman kung paano nagkakilala sina Ogie at ‘Nay Cristy na inabangan nito ang huli sa gate ng GMA-7 kung saan may show itong Movie Magazine nu'ng taong 1987 para magsabing gusto niyang magsulat, at sa Mariposa Publications natutunan ni Ogie ang lahat. Nagsimula siya bilang proofreader hanggang naging manunulat at editor.
Grabe ang mga bashers ni ‘Nay Cristy dahil hiniling pa sa pamunuan ng TV5 na tanggalin siya at ang programa niyang Cristy Ferminute dahil puro peke ang ibinabalita nito.
Say ni ‘Nay Cristy, “Mahirap po ang trabaho namin, hindi madaling sungkitin ang pagtitiwala po ng taumbayan para ang mga balita namin ay paniwalaan. Gusto ko pong magpasalamat sa ilang bahagi ng KathNiel supporters na nagpalawak ng kanilang isip at hindi nanghusga. Gusto ko pong pasalamatan ang mga taong nagtiwala lalo na po ang mga boss naming nagtiwala sa One Ph at TV5.”
Nabanggit din nitong kinukumusta siya ng TV5 bosses at nagpapasalamat dahil magkakasama pa rin sila sa network.
Samantala, nagpadala ng mensahe si ‘Nay Cristy kay Ogie pagkatapos ng programa niyang CFM kahapon.
“Sabi ko naman sa ‘yo (Ogie), kapag ikaw ang kinalaban, pinakasensitibo ako. May panahon talaga ang bendikasyon. Mapapahiya ang nagsisinungaling. Salamat sa kinasihan tayo ng panahon dahil tayo ang nasa tama. Salamat sa hindi pagbitiw, sa walang kuwestiyong tiwala, suporta at pagmamahal. Akin ang pagsaludo sa iyo. Labyunak, ingat palagi.”
Sagot naman ni Ogie, “Ate Cris, thank you for the kind words for me. Naluha ako kasi naluha ka na sa CFM. Bigla ko tuloy naalala nu’ng nagsisimula ako at ngayon, 'di ko maimadyin na matutupad ko pala ‘yung pangarap ko na ma-penetrate ang showbiz, dahil ikaw ang naging tulay. Thank you. I am forever grateful to you. 'Andito lang ako para sa iyo. Salamat uli. I love you, Ate Cris.”
So, paano na, mga nang-bash kina 'Nay Cristy at Ogie, ano ang masasabi ninyo?





Comments